Pinalalakas pa ng Manila Water ang serbisyo nito sa mga komunidad sa pamamagitan ng paglulunsad ng Mainline Extension Pipelaying Project sa Edenville Street, Angono, Rizal. Layunin ng proyektong ito na direktang mapagkalooban ng malinis at maaasahang suplay ng tubig ang mahigit 1,110 kabahayan sa Barangay San Isidro at Barangay Kalayaan, kung saan maraming residente ang matagal nang umaasa sa di-pormal na pinagkukunan ng tubig.
Sa loob ng maraming taon, ang ilang residente ay napipilitang makisalo sa tubig mula sa kapitbahay na may koneksyon sa Manila Water. Sa pamamagitan ng bagong proyekto, 300 water service connections at 1 bulk water connection ang itatayo upang mas mailapit ang tubig sa bawat tahanan, na magdudulot ng mas maayos na pamumuhay at kalusugan sa komunidad.
Sinimulan noong Pebrero 2025, ang proyekto ay kinabibilangan ng paglalagay ng 1,245 linear meters ng 150mm diameter high-density polyethylene (HDPE) pipeline sa Edenville Street. Ito ay ikokonekta sa kasalukuyang 400mm pipeline sa MLQ Avenue gamit ang open-cut method. Bahagi ito ng pagpapalawak ng distribution network upang matiyak ang tuloy-tuloy at sapat na daloy ng tubig sa mga kabahayan.
Dinisenyo ang proyekto upang makasapat sa 1.4 million liters per day (MLD) na demand sa tubig, hindi lamang para sa kasalukuyan kundi pati na rin sa mga inaasahang pag-unlad sa hinaharap gaya ng Life Industrial Park—isang mahalagang bahagi ng Dream Plan ng Angono.
May kabuuang puhunan na Php 24.4 milyon, inaasahang matatapos ang proyekto sa ikatlong quarter ng 2025. Isa ito sa mga patunay ng Manila Water sa patuloy na pagtaguyod ng imprastruktura at serbisyo para sa mga mamamayan.
“Ang proyektong ito ay hindi lang basta paglalagay ng tubo—ito ay pagtatanim ng pundasyon para sa mas malusog at mas matibay na mga komunidad. Sa pagbibigay ng direktang tubig sa mahigit isang libong kabahayan sa Angono, tinutupad namin ang aming misyon na gawing abot-kamay ang malinis at ligtas na tubig para sa bawat pamilyang Pilipino,” pahayag ni Jeric Sevilla, Corporate Communication Affairs Group Director ng Manila Water.#