Matagumpay na natapos ng Manila Water ang relokasyon ng isang mahalagang linya ng tubig sa Quezon City bilang suporta sa itinatayong Anonas Station ng Department of Transportation (DOTr), na bahagi ng Metro Manila Subway project. Ipinapakita ng inisyatibong ito ang matibay na suporta ng Manila Water sa mga pambansang proyekto ng imprastruktura na layuning baguhin ang sistema ng urban mobility sa rehiyon.

Sinimulan ng Manila Water ang relokasyon ng kanilang waterline noong Marso 2025. Kabilang sa proyekto ang open-cut excavation at pag-install ng 100mm diameter high-density polyethylene (HDPE) pipeline na may habang humigit-kumulang 330 metro, mula sa mga kalye ng J. Bugallon, F. Castillo, at E. Evangelista. Inintegrate rin ang bagong linya sa umiiral na 150mm PVC x 100mm HDPE pipeline sa E. Evangelista Street.
Naunang natapos ang proyekto noong Abril 2025, na nagresulta sa kaunting abala sa serbisyo, mas mababang gastos sa operasyon, at tuloy-tuloy na suplay ng malinis at maaasahang tubig para sa mga residente at negosyo sa lugar.
Ang Metro Manila Subway ang kauna-unahang mass underground transit system ng bansa na magkakaroon ng 17 istasyon na mag-uugnay sa mga pangunahing lungsod tulad ng Valenzuela, Quezon City, Pasig, Mandaluyong, Taguig, at Parañaque. Inaasahang malaki ang maitutulong nito sa pagpapaluwag ng trapiko, pagbawas ng oras ng biyahe, at pagpapabuti ng araw-araw na pag-commute ng milyun-milyong Pilipino.
“Sa maagang relokasyon ng aming waterline, hindi lang namin naisakatuparan ang napapanahong konstruksiyon ng isang mahalagang transport hub, kundi napanatili rin naming tuloy-tuloy ang serbisyo ng tubig sa mga komunidad,” ayon kay Jeric Sevilla, Director ng Corporate Communications Affairs Group ng Manila Water.
Habang patuloy na umuunlad ang Metro Manila, nananatiling tapat ang Manila Water sa misyon nitong maghatid ng napapanatiling solusyon sa tubig na akma sa pabago-bagong pangangailangan ng rehiyon. Ang proyektong ito ay patunay ng kanilang dedikasyon sa kaligtasan ng publiko, pagpapatuloy ng serbisyo, at aktibong pakikibahagi sa nation-building.#