Sa paggunita ng ikasiyam na anibersaryo ng 2016 Arbitral Award hinggil sa South China Sea (SCS) o West Philippines (WPS), nagpahayag ng mariing pagtutol at lubhang pagkadismaya si Herman Laurel ng Asian Century Philippines Strategic Studies Institute Inc. sa “tuloy-tuloy at ganap na kapahamakan” para sa teritoryal na integridad, soberanya, at hinaharap na ekonomiya ng bansa.
Iginiit ng grupo na ang desisyon ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague noong 2016 — na kumilala sa ilang pag-angkin ng Pilipinas at ibinasura ang “nine-dash line” ng Tsina — ay tila naging isang Pyrrhic victory o tagumpay na may mabigat na kapalit.
Ayon sa think tank, dalawang malaking pagkatalo ang nangyari sa Pilipinas dahil nalagay sa panganib ang dalawang mahalagang pag-angkin ng bansa: ang kasaysayang hangganan mula sa 1898 Treaty of Paris na nagbabadya ng pagkawala ng higit 830,000 sq. kilometro ng teritoryo at ang pag-angkin sa Kalayaan Island Group (KIG) batay sa Presidential Decree 1596, na lumiit sa tinatayang 70,000 sq. kilometro matapos hatulan ng tribunal na hindi ito kwalipikado bilang arkipelago sa ilalim ng UNCLOS.

Nag-ugat umano ito sa labis na pagkapit sa teknikal na aspeto ng batas (legalese mindset) sa pamamagitan ng Republic Act 9522, sa halip na gamitin ang diplomatiko at makasaysayang paraan upang mapanatili ang mga pag-angkin.

Ayon pa sa pahayag ni Laurel, estratehiyang lumihis sa hangarin ay malinaw. Ang arbitral ruling ay hindi naging sandata ng soberanya kundi naging bahagi ng mas malawak na estratehiya ng Estados Unidos upang pag-awayin ang Pilipinas at Tsina, hatiin ang ASEAN, at isulong ang interes ng Amerika. Sa kabila ng paniniwala ng ilang sektor na “susunod ang Tsina,” kabaligtaran umano ang nangyari: mas pinagtibay ng Tsina ang kontrol nito sa mga pinag-aagawang teritoryo, habang lalong nanghina ang posisyon ng Pilipinas.
Dagdag ni Laurel, maraming mahalagang pagkakataon ang nawala sa ating bansa, hindi lamang sa soberanya kundi ang kanselasyon ng $23 bilyong proyektong pamumuhunan mula sa Tsina na nilagdaan noong Enero 2023, paghinto ng mga proyektong gaya ng Luzon South Rail, Mindanao Circumferential Rail, at Subic-Clark Rail, pagbagsak ng bilang ng turistang Tsino mula 1.9 milyon noong 2019 tungo sa mahigit 400,000 na lamang noong nakaraang taon, dahilan upang mapag-iwanan pa ang Pilipinas ng Cambodia. Paliwanag nito na ang mga ito sana’y nakatulong sa pag-unlad ng imprastruktura at ekonomiya ng bansa.
Ipinunto rin ng grupo na ang arbitration award ay nagdulot ng mas malalim na pagkakahati ng bansa. Ang mga naninindigan para sa malayang patakarang panlabas ay tinatawag umanong “China-tagged” o minamaliit bilang di-makabayan, habang lalong pinalakas ang imaheng Tsina lamang ang “bully.”
Nakikita ng grupo ang pag-asa sa bagong halal na ika-20 Senado na binubuo ng mga makabayan at neutralista pagdating sa ugnayang panlabas, na maaring muling ibalik ang konstitusyonal na prinsipyo ng malayang patakarang panlabas at bawasan ang labis na pag-asa sa suporta ng militar ng Amerika.
Sa huli, nanawagan ang Asian Century Philippines Strategic Studies Institute Inc. na muling timbangin ng bansa ang pananaw nito sa Arbitral Award — hindi bilang isang hindi matitinag na katotohanan, kundi bilang bahagi ng mas malawak na diplomatikong estratehiya para sa kapayapaan, soberanya, at pag-unlad.

Pagtatapos ni Laurel, siyam na taon mula nang ibaba ang desisyon, sulit nga ba ang tinawag na tagumpay o mas marami ang nawala kaysa sa nakuha?#