Nangunguna si dating Mayor ng Maynila Isko Moreno Domagoso sa 2025 Tangere City of Manila Mayoral Preferential Survey ilang linggo bago ang halalan sa kalagitnaan ng taon ngayong 2025 na may 51% na boto mula sa mga respondent. Kasunod niya si kasalukuyang Mayor Dra. Honey Lacuna na may 37% na suporta. Pumangatlo si Sam Versoza na kinatawan ng Tutok to Win Party-list na may 10% na boto. Ang ibang mga kandidato ay may pinagsamang 1% na boto. Tanging 1% lamang ng mga rehistradong botante sa Lungsod ng Maynila ang hindi pa nakakapagdesisyon.
Ang pangunahing mga pinanggagalingan ng suporta para kay Isko Moreno ay mula sa mga Distrito 1, 2, 4, at 6, gayundin sa mga respondent na nasa edad 18 hanggang 39. Samantalang si Mayor Lacuna naman ay pinapaboran sa Distrito 3 at 5, at ng mga respondent na edad 40 pataas. Si Cong. Versoza naman ay nakakuha ng pinakamataas na boto sa Distrito 5.
Para sa Vice Mayor Preferential Survey, ang ka-tandem ni Isko Moreno na si Chi Atienza ang nangunguna sa karera para sa pagka-Pangalawang Alkalde ng Maynila na may 56% na boto. Nakatanggap naman si kasalukuyang Vice Mayor Yul Servo ng 37% na boto. Ang iba pang mga kandidato ay may pinagsamang mas mababa sa 1% na boto. May 6% ng mga botante ang hindi pa rin tiyak sa kanilang pipiliin.
Nang tanungin tungkol sa pangkalahatang kalidad ng kanilang pamumuhay sa Lungsod ng Maynila, 41% ng mga respondent ang nagsabing ito ay mula “mas mataas sa karaniwan” hanggang “napakaganda.” Samantala, 45% ang nagsabing ito ay “karaniwan,” at 14% lamang ang nagsabing ito ay “mas mababa sa karaniwan” hanggang “mahirap.”
Pito (7) hanggang walong (8) sa bawat sampung botante sa Lungsod ng Maynila ang nagturing sa mga sumusunod bilang pangunahing prayoridad na dapat tutukan ng mga kandidato: serbisyong pangkalusugan, pagbaba ng presyo ng mga pangunahing bilihin, pagtaas ng arawang sahod at imprastraktura para sa mga paaralan at ospital.
Ang non-commissioned na surbey na ito ay isinagawa noong Abril 19-20, 2025 ng Tangere upang ipakita ang kanilang hybrid na metodolohiya sa pagkuha ng opinyon ng publiko. Ang datos ay nakuha sa pamamagitan ng pinagsamang online platform gamit ang Tangere mobile application at tradisyunal na face-to-face na pamamaraan. Ginamit ang stratified random sampling para sa online data at multi-stage probability sampling para sa tradisyunal na pamamaraan.
Ito ang unang bahagi ng dalawang ulat mula sa Tangere Fusion. Ang ikalawang bahagi ay ilalabas sa Abril 28 upang ipakita ang pagiging epektibo ng hybrid na metodolohiya.
Pinili ng kumpanya ang Lungsod ng Maynila, kabisera ng bansa, upang ipakilala ang Tangere Fusion—isang metodolohiyang pinagsasama ang tradisyunal at online na pamamaraan upang gawing mas accessible ang mga public opinion poll.
Kabuuang sample size ay 1,500 respondents (may +/- 2.48% margin of error para sa Lungsod ng Maynila sa 95% confidence level). Ang margin of error kada distrito ay ang mga sumusunod: Distrito 1: +/- 5.92%, Distrito 2: +/- 8.48%, Distrito 3: +/- 6.46%, Distrito 4: +/- 6.21%, Distrito 5: +/- 5.27%, Distrito 6: +/- 5.38%
Ang Tangere ay isang award-winning na technology application at innovation-driven na market research company na layuning ipakita ang tunay na damdamin ng mga Pilipino. Ang Tangere ay miyembro ng Marketing and Opinion Research Society of the Philippines (MORES), European Society for Opinion and Market Research (ESOMAR), at ng Philippine Association of National Advertisers (PANA). Isa ang Tangere sa mga unang kumpanyang nagparehistro sa COMELEC.
Para sa topline report at analytics ng pag-aaral na ito, maaaring mag-email sa Tangere sa qual@tangereapp.com.#