Home Feature Ibasura ang panukalang batas na ibaba ang buwis sa tabako

Ibasura ang panukalang batas na ibaba ang buwis sa tabako

0
4

Ibasura ang panukalang batas na ibaba ang buwis sa tabako ng mga kongresista na kiling at nakikipag-kutsabahan sa industriya ng tabako sa kapinsalaan sa kalusugan ng mga kabataan at taumbayan.

Binatikos ng Aktibong Kilusan Tungo sa Iisang Bayan (AKTIB) ang HB#11279 na naglalayong itigil ang 5% na taunang pagtaas ng buwis sa mga produktong tabako.

Nanawagan din ang AKTIB na panagutin ang mga mambabatas at namumuno sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na tahasang makikipagsabwatan sa industriya ng tabako.

“Ang pananabotaheng HB#11279 ay hindi makatarungan! Hindi makatao! At ito ay malinaw na paglabag sa Karapatang Pantao ng mamamayang Pilipino na naghahangad na mamuhay ng mapayapa, malusog, at produktibo sa kaaya-ayang kapaligiran na malaya sa usok ng sigarilyo at sa vape. Mahigit sa 400,000 ang karagdagang bilang ng mga malululong sa mga produktong tabako sa bansa sa 2030 kung pumasa ang panukalang batas na ito. Malinaw na ang makikinabang ay ang industriya ng tabako at hindi ang kagalingan ng mamamayang Pilipino,” tinuran ni Ernesto Ofracio, tagapangulo ng AKTIB.

Ipinagdiinan ni Ofracio na ang panukala ay may matinding panganib sa kalusugan ng mamamayang Pilipino, lalo na sa mahihirap na pamilya. Ayon sa kanya, sa halip na bawasan ang gastusin sa pagpapagamot dulot ng adiksyon sa sigarilyo at vape, lalo pang malalantad ang mahihirap sa masamang epekto ng sigarilyo at vape. Dapat pa nga ay lalong itaas ang buwis ng produktong tabako bilang proteksyon sa mga kabataan at mga hindi naninigarilyo.

“Sa katunayan, ang mga mahihirap ay pumipila sa mga pampublikong ospital ng madaling araw pa lamang para magpagamot. At malaki pa rin ang inilalabas na pera ng mahihirap mula sa kanilang bulsa para tugunan ang gastusin para sa medical laboratory tests at mga gamot. Ito ay kabawasan para sa iba pang batayang pangangailangan ng mga mahihirap tulad ng masusustansyang pagkain sa hapag kainan, edukasyon ng mga bata, pananamit, at iba pa,” saad ni Ofracio.

“Tinatayang aabot sa 220 milyong piraso ng sigarilyo ang babaha sa pamilihan sa napakababang presyo sa susunod na apat na taon kung maipapasa ang HB 11279. Ayon sa pag-aaral ng World Bank noong 2017, kapag tumaas ang presyo ng sigarilyo, mas maraming mahihirap at kabataan ang tumitigil o nagbabawas ng paninigarilyo,” ani Ofracio.

Aniya, isang kahibangan kung susuportahan at ipapasa ng mga kongresista ang isang batas na magpaparami pa ng mga taong magkakasakit at maagang mamamatay lalo na’t itinigil ang subsidyo para sa PhilHealth at malaki ang ibinawas sa badyet ng Department of Health ngayong taon.

“Nakadidismaya at nakakagalit na paulit-ulit na ibinabalandra ng mga politiko ang malasakit nila sa mahihirap, pero sila rin mismo ang pumipirma sa mga patakarang pro-tobacco industry na lalong nagpapahirap sa ating mga kababayan. Klaro na mas pinapahalagahan nila ang interes ng tobacco companies kaysa sa 112,000 na buhay na nawawala taun-taon dulot ng paggamit ng tabako. Dapat managot ang mga mambabatas na sunud-sunuran sa industriya ng tabako,” ayon kay Ofracio. # # #

Ang AKTIB ay isang alyansa ng 103 komunidad, kababaihan, at youth organizations na aktibong lumalaban para sa Sin Tax, Universal Health Care, smoke-free spaces, at vape-free environments sa bansa. Kasama rin sa kanilang adbokasiya ang mga isyu ng urban poor, pabahay, at iba pang mahahalagang karapatan at serbisyong panlipunan, na tumutugon sa pangangailangan ng mga marginalized na sektor.

Tumutulong ang Social Watch Philippines (SWP) sa pagpapalaganap ng press release ng AKTIB Philippines.#

NO COMMENTS