Limampung (50) benepisyaryo ng National Housing Authority (NHA) mula Pandi Heights I and II ng Pandi, Bulacan ang nagkaroon ng oportunidad ng kabuhayan mula sa kakatapos lang na Agronomic Crop Production Training sa kanilang komunidad.
Bilang patunay sa pangakong pagpapatayo ng de-kalidad na pabahay at mauunlad na komunidad, pinagtibay ng NHA, sa pamumuno ni NHA General Manager Joeben Tai, ang pakikipagtulungan sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). Sa pamamagitan ng isang Memorandum of Agreement, parehong tiniyak ng dalawang ahensya ang pagkakaloob ng mga programang pangkabuhayan at oportunidad sa trabaho sa mga benepisyaryo ng lahat ng proyektong pabahay ng NHA.
Mula Enero 19 hanggang Pebrero 2, 2024, sumailalim sa agricrop production training ng ATEC Technological College, isang TESDA-accredited training provider, ang limampung (50) benepisyaryo ng ahensiya. Ang naturang pagsasanay ay hindi lamang naglalayon na mapalawak ang kanilang kasanayang-agrikultura kundi makapag dagdag din ng kaalaman sa pagnenegosyo sa industriya ng agrikultura.
Ibinahagi ni Marivic Antonio, isang benepisyaryo ng NHA, ang kanyang karanasan sa naturang pagsasanay, “malaki po ang naitulong ng training. Natuto po kami. Sa totoo lang po, hindi po kami marunong magtanim lahat, eh. Ngayon po ay natuto po kami dahil sa tulong ng NHA.”
Samantala, umaasa naman si Rafael Figueroa, isang training coordinator para sa ATEC Technological College, na ang mga napulot na kasanayan ng mga benepisyaryo ay magdadala ng pagbabago, hindi lamang sa kanilang buhay ngunit maging sa kanilang mga pamilya.
“Inaasahan [namin] na magamit ang training na natutunan nila para sa kanilang pangkabuhayan, magkaroon sila ng sariling lupain, makapag tanim sila at makapag tinda rin po para may mai-produce sila sa kanilang pamilya,” ani Figueroa.
Kasunod ng pagsasanay, nilinang ng mga benepisyaryo ang isang bakanteng lote sa kanilang komunidad upang maging sarili nilang taniman ng gulay. Ilan sa kanilang mga itinanim ay kamatis at talong. Samantala, naibenta naman nila sa palengke at sa kapwa nila mga benepisyaryo ang mga inani mula sa pananim na mustasa at repolyo. Ang simpleng kabuhayan ay nagpapatunay sa kanilang mga natutunan sa pagsasanay at hangaring mapaunlad pa ang komunidad na kanilang kinabibilangan.
Ang kasunduan at ugnayang ito ay pinagtitibay ng Livelihood and Affordability Enhancement Program (LAEP) ng NHA na ipinatutupad ng Community Services Department- Socio Economic Development Division (CSSD-SEDD).#