Pinabilis ng National Housing Authority (NHA), sa direktiba ni NHA General Manager Joeben Tai, ang relokasyon ng mga informal settler families (ISFs) na naninirahan sa mga daanan ng tubig sa Malabon City bilang paghahanda sa paparating na panahon ng habagat.
Sa darating na Marso 25, 2024, dalawampung (20) pamilyang naninirahan sa ilalim ng Don Basilio Bridge sa Brgy. Dampalit, Malabon City ang ililipat sa isa sa pinakamalaking proyektong pabahay ng lungsod – ang St. Gregory Homes Housing Project sa Brgy. Panghulo.
Nagsagawa na ang Malabon/Navotas/Valenzuela (MANAVA) District Office ng census at tagging sa pagtukoy sa mga benepisyaryo na mapagkakalooban ng bagong bahay at bagong komunidad.
Sa ilalim ng Resettlement Assistance Program for Local Government Units (RAP-LGU), nagbibigay ng tulong teknikal ang NHA sa mga LGU para sa pagkakaloob ng in-city o near-city resettlement sa mga ISFs na naninirahan sa mga mapapanganib na lugar, daanan ng tubig, at apektado ng mga proyektong pang-imprastraktura ng pamahalaan.
Inihayag ng live-in partners na sina Juliet De Guzman at Dante Cilia ang kanilang pananabik sa paparating na relokasyon. “Masaya po kami na sa wakas, hindi na po kami mangangamba na kapag umuulan ay abutin po kami ng tubig. Makakapaglaro na rin po ang mga anak namin nang hindi kami nag-aalalang mahulog sila sa ilog,” sabi nila De Guzman at Cilia.
Bukod sa panganib na dulot ng pagtira sa gilid ng Dampalit River, ang tahanan ni De Guzman at Cilia, at iba pang mga ISFs ay apektado rin ng ginagawang river dike at flood control facility.
Samantala, ipinahayag naman ni Benedicta Omeres, na kapitbahay nina De Guzman at Cilia, ang kanyang kagalakan at pasasalamat para sa pagkakataong handog ng NHA. “Nagpapasalamat po ako sa NHA, kay GM Tai at President Marcos dahil makakaahon na rin po kami sa hirap at pangamba na baka ma-washout po ang aming tahanan,” ani Omeres.
Nakatuon sa kampanya ng administrasyon na isang Bagong Pilipinas, tinitiyak ng NHA, kasama ang mga LGU, na bukod sa dekalidad na pabahay ay nagtatayo rin ang NHA ng mga maunlad na komunidad para sa mga pamilyang benepisyaryo nito. Patunay nito ay mga community facilities sa loob ng mga pabahay gaya ng basketball court, paaralan, palengke at mga livelihood center. Kasama rin sa mga pamantayan ng NHA sa pagpapatayo ng pabahay ang lapit nito sa mga sentro ng komersyo, pangunahing pangangailangan, pasilidad para sa edukasyon at kalusugan at mga tanggapan ng pamahalaan.
Bilang panghuli, isinaad din ni Omeres ang kaniyang suporta sa pagpapatuloy ng serbisyong pabahay ng NHA lalong-lalo na ang charter ng ahensya ay nalalapit nang matapos sa 2025, habang ang mga pagdinig ukol sa pagpapalawig nito ay kasalukuyang isinasagawa. “Ipinagdadasal ko po talaga na magpatuloy pa ang NHA, dahil marami po silang natutulungan na kagaya naming mahihirap at kapos-palad na naiaahon kami sa aming kinalulugaran,” dagdag ni Omeres.
Samantala, kamakailan lang, nagsagawa rin ang NHA-MANAVA District Office ng pamamahagi ng P10,000 na tulong-pinansyal sa ilalim ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP) para sa 81 pamilyang nasunugan sa Navotas City. Ito ay bahagi ng naunang 1,328 pamilyang Navoteñong nakatanggap ng kaparehong tulong mula sa NHA.
Para sa 2024, ang NHA ay nakapamahagi na ng EHAP sa iba’t ibang lugar na tinamaan ng mga kalamidad gaya ng Manila, Mandaluyong, Muntinlupa at Quezon City, Iloilo, Palawan, at Tawi-Tawi. Personal namang pinangunahan ni NHA GM Tai ang pagkakaloob ng EHAP sa Zamboanga at kasama naman si Senator Imee Marcos sa pamamahagi sa Laguna at Cebu.