Personal na ipinamahagi ni National Housing Authority (NHA) General Manager Joeben Tai ang P1.540 milyong halaga ng tulong-pinansyal sa 154 na pamilyang nawalan ng tahanan dulot ng magkakaibang kalamidad sa Zamboanga City noong Abril 12, 2024.
Sa pamamagitan ng NHA Emergency Housing Assistance Program (EHAP), pinangunahan ni NHA GM Tai at Zamboanga City Mayor John Dalipe ang pagkakaloob ng ayuda sa Labuan Central Elementary School, Zamboanga City. Bawat pamilyang benepisyaryo ay nakatanggap ng P10,000 bilang suporta sa pagpapaayos ng kanilang mga tahanan.
Sa kanyang mensahe, ipinangako ni NHA GM Tai ang karagdagang tulong-pabahay para sa mga Zamboangueños. “Pinapangako ko po sa bawat isa sa inyo na bago matapos ang aking termino ay magpapagawa tayo ng bahay para sa inyo para mai-relocate po ang bawat pamilya at mailagay na po kayo sa mas ligtas na lugar. Pagtatrabahuhan po natin ‘yan with Zamboanga City LGU, with Mayor Dalipe.”
Samantala, tinatayang P5.750 milyong pondo mula sa EHAP ng ahensya ang nakatakdang ipamigay sa 575 pamilyang nasunugan sa lungsod sa mga susunod pang araw.
Dumalo rin sa distribusyon sina NHA Region IX Manager Engr. Al-Khwarizmi U. Indanan; NHA Zamboanga City, Zamboanga Sibugay and ARMM District Manager Atty. John Louie G. Rebollos; butihing maybahay ni NHA GM Tai na si Bb. Katrina Chua-Tai; at iba pang opisyal ng lokal na pamahalaan.
Samantala, ang NHA-East Sector Office, kasama ang lokal na pamahalaan ng Quezon City, ay mamamahagi rin ng EHAP sa Abril 15, 2024 para sa mga pamilyang nasunugan mula sa mga barangay ng West Fairview at Culiat. May kabuuang halaga na P4.165 milyon ang nakatakdang ipamahagi sa 227 benepisyaryo.#