Patuloy si National Housing Authority (NHA) General Manager Joeben Tai sa pag-inspeksiyon sa iba’t ibang proyektong pabahay ng ahensiya upang personal na matutukan at masigurong nasa takdang oras ang pagpapatayo at pamimigay ng mga tahanan.
“Alinsunod sa ating programang Build Better More (BBM) Housing, akin pong sinisigurado sainyo na ang mga pabahay na itatayo dito ay abot-kaya at dekalidad na may progresibong komunidad na maikukumpara sa mga pribadong pabahay. Amin din pong tiniyak na ang proyektong ito ay malapit sa mga pangunahing establisyimento gaya ng mga pamilihang bayan, pampublikong paaralan, ospital, simbahan at mga istasyon ng pulis,” saad ni NHA GM Tai.
Tumungo sina NHA GM Tai kasama sina Assistant General Manager Alvin S. Feliciano, NCR North Sector Office Regional Manager Engr. Jovita G. Panopio at Rovin Feliciano ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) sa Disiplina Arkong Bato, Valenzuela City noong Abril 26, 2024. Isa ito sa mga proyekto ng NHA na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ang groundbreaking ceremony noong Marso 27, 2023.
Ang Disiplina Village Arkong Bato sa Brgy. Arkong Bato, Valenzuela City ay isang in-city resettlement site na inaasahang magtayo ng 20 low-rise buildings (LRBs) at makabuo ng 960 housing units na may sukat na 24 sqm. floor plans.
Layunin ng Disiplina Village Arkong Bato na maging bagong tahanan ng mga informal settler families (ISFs) na nakatira sa mga delikadong lugar sa nasabing siyudad na naapektuhan ng Supreme Court Mandamus to Clean-Up the Manila Bay Area.
Bukod dito, binisita rin ni NHA GM Tai ang Acacia Greenfield Homes sa Brgy. Manacnac, Palayan City at Camp Magsaysay Place sa Brgy Kalikid Sur, Cabanatuan City sa probinsiya ng Nueva Ecija noong Abril 20, 2024.
Katuwang ni NHA GM Tai sa inspeksyon, tiniyak nina Region 3 Manager Minerva Y. Calantuan at Palayan City Mayor Vianne Cuevas ang kondisyon at konstruksiyon ng bawat bahay sa mga proyekto.
Sa ilalim ng Government Employees Housing Project (GEHP), ang Acacia Greenfield Homes at Camp Magsaysay Place ay nakalaan para sa uniformed personnel at mga kawani ng gobyerno.
Dagdag pa rito, pumunta rin si NHA GM Tai sa St. Ildephonsus Village Resettlement Project sa Brgy. Anyatam, San Ildefonso, Bulacan upang personal na masilayan ang mga pagbabago at sitwasyon ng pamumuhay ng mga benepisyaryo ng pabahay.
Sa ilalim ng pamumuno ni NHA GM Tai, patuloy ang pagsisikap ng ahensiya na ang lahat ng pabahay ay kayang tumapat sa mga pribadong bahay at may kompletong pasilidad habang pinapanatili ang mababang halaga.
Samantala, sa pamamagitan ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Housing Program (4PH), makakaasa ang pamilyang Pilipino sa pamamahagi ng ahensiya ng pabahay sa magkakaibang sulok ng bansa. Bilang pangunahing programa ng administrasyon sa kampanyang Bagong Pilipinas, binigyang-diin ni Pangulong Marcos, Jr., “Marami pa tayong ipatatayong bahay kaya inaasahan ko ang inyong patuloy na suporta at pagsusumikap.”