Mahigit 1,000 Yolanda housing beneficiaries mula sa Banate People’s Village Site 1, 2 at 3 ang tinulungan ng kauna-unahang People’s Caravan ng National Housing Authority (NHA) sa Visayas, kamakailan lang.
Sa patnubay ni NHA General Manager Joeben A. Tai, ang People’s Caravan: Serbisyong Dala ay Pag-asa ay unang inilunsad noong Setyembre 2023 upang epektibong magdala ng iba’t ibang serbisyo ng gobyerno tulad ng medikal, scholarship, trabaho, abot-kayang produktong agrikultura, libreng gabay sa mga usaping ligal, at iba pa, sa mga pamilyang benepisyaryo ng pabahay. Alinsunod sa pangako ng NHA na isulong ang isang progresibong komunidad tungo sa Bagong Pilipinas, layunin ng People’s Caravan na maihatid ang mga nasabing serbisyo sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Upang matiyak ang kalusugan at mabigyan ng medikal na atensyon ang mga benepisyaryo, nagsagawa ang Armed Forces of the Philippines (AFP) Region VI, Department of Health (DOH)-Western Visayas Center for Health Development Region VI, Philippine National Police (PNP) at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ng libreng medical consultation, libreng gamot at bitamina, hospitalization at out-patient services.
Ang Department of Information and Communications Technology (DICT) Region VI at IOT Digital Highway, Inc. ay nagbigay ng libreng onsite Internet connectivity sa panahon ng programa.
Nag-alok naman ang Public Attorney’s Office (PAO) ng libreng konsultasyong ligal at notaryo.
Binigyang-prayoridad din ng caravan ang mga benepisyaryo na naghahanap ng trabaho kung saan isang job fair ang inihanda ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa pamamagitan ng Public Employment Service Office (PESO) nito.
Para sa mga benepisyaryong gustong magkaroon ng livelihood skills at mapalakas ang kanilang mga negosyo, malayang itinuro ng Department of Trade and Industry (DTI) Region VI ang mga usapin sa business consultancy, literacy, at business capital.
Samantala, ang mga scholarship grant, libreng skills training demonstration at iba’t ibang livelihood trainings ang isinagawa ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Region VI, Department of Agriculture (DA), Bureau of Plant Industry (BPI) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), kung saan sila’y namahagi rin ng seeding planting at fishery materials; habang ang Department of Science and Technology (DOST) naman ay tumutok sa food safety, packaging at labeling.
Itinuro naman ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga benepisyaryo ang tungkol sa programang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) at mga aplikasyon para sa Solo Parent at Social Pension para sa Indigent Senior. Sa kabilang banda, natutunan ng mga benepisyaryo kung paano lumikha at mamahala ng isang kooperatiba sa pamamagitan ng lecture ng Cooperative Development Authority (CDA).
Tinulungan ng Land Transportation Office (LTO) ang mga residente sa kanilang mga katanungan tungkol sa lisensya, pagpaparehistro ng sasakyan, iba pang serbisyo at programa ng ahensya.
Ang National Bureau of Investigation (NBI), PNP, PhilHealth, Social Security System (SSS) at Philippine Statistics Authority (PSA) ay nag-alok ng kanilang serbisyo na NBI at Police clearances, membership IDs tulad ng PhilHealth ID, SSS membership at National ID. Dala rin ng PSA ang kanilang mga serbisyo sa birth, marriage, death, at Certificate of No Marriage Record (CENOMAR) certificates para ma-avail ng mga benepisyaryo.
Ang mga pribadong kumpanya tulad ng Iloilo III Electric Cooperative, Inc. at Banate Water District ay naroroon upang ipaalam sa mga benepisyaryo ang kanilang mga programa at serbisyo sa pamamagitan ng isang seminar, konsultasyon sa tubig at kuryente at aplikasyon ng koneksyon sa serbisyo.
Ang kaganapan ay binabantayan ng PNP upang matiyak ang seguridad at kaligtasan ng mga dadalo. Nagbigay ng logistical support din ang Local Government Unit ng Banate, Iloilo sa caravan.
Bilang kinatawan ni NHA GM Tai, pinangunahan ni NHA Assistant General Manager Alvin S. Feliciano ang programa kasama si Regional VI Regional Manager Engr. Hermer Juntilo. Habang sila Banate Mayor Peter Paul Gonzales at Vice Mayor Filemon Iran ay nagpakita rin ng kanilang suporta sa pamamagitan ng pagdalo sa caravan.
Matatandaang inilunsad ang unang service caravan sa Villa de Adelaida Housing Project sa Brgy. Halang, Naic, Cavite, at sinundan ng sa Pandi, Bulacan; Zamboanga City, Zamboanga; at kamakailan lang ay ang sa Baras, Rizal.
Bukod sa People’s Caravan, nagbigay din ng ayuda ang NHA sa 105 pamilyang naapektuhan ng Bagyong Paeng sa Rosario, Cavite. Ang bawat pamilya ay nakatanggap ng P5,000, sa ilalim ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP) ng ahensya, bilang suporta sa pagbangon nilang muli.
Ang EHAP ay isa sa mga programa ng NHA na naglalayong magbigay ng tulong pinansyal sa mga pamilyang lubos na naapektuhan ng mga kalamidad.#