May kabuuang 100 na pamilya mula sa Tribong Higaonon ang napagkalooban ng bagong tahanan ng National Housing Authority (NHA) sa ginanap na inagurasyon at turn-over ceremony kamakailan lang sa Magsaysay IP Housing Project, Brgy. Tama, Magsaysay, Misamis Oriental.
Bilang kinatawan ni NHA General Manager Joeben A. Tai, pinangunahan ni Region X Officer-in-Charge Engr. Homer T. Cezar, kasama si Magsaysay Mayor Charlie B. Buhisan at Higaonon Tribe Indigenous People Mandatory Representative (IPMR) Melanie Polinar, ang paggawad ng mga tahanan sa mga benepisyaryo.
Ang Magsaysay IP Housing Project ay ipinatayo sa ilalim ng Housing Assistance for Indigenous Peoples (HAPIP) ng ahensya. Sa pakikipagtulungan ng National Commission for Indigenous Peoples (NCIP) at lokal na pamahalaan (LGU), isinasaalang-alang at pinahahalagahan ng NHA ang pamumuhay, kultura, kasanayan at tradisyon ng mga katutubong pangkat sa paggawa ng mga proyektong pabahay para sa kanila.
Bilang kanilang parte, ang Sangguniang Barangay ng Tama, Magsaysay ay magbibigay ng tulong pangkabuhayan sa bagong komunidad at iba pang social services sa ilalim ng Barangay Environment Program.
Bilang pagtupad sa adhikain ni GM Tai, patuloy ang NHA sa pagkakaloob ng mga natapos nang pabahay at mauunlad na komunidad sa libo-libong benepisyaryo sa bansa.
Samantala, 25 pamilyang biktima ng sunog sa Brgy. Batis, San Juan City ang tumanggap ng tulong pinansyal sa ilalim ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP) ng NHA.
Sa ginanap na pamamahagi, pinangunahan ni NHA NCR-West Sector Acting Regional Manager Engr. Rodrigo P. Rocillo at San Juan City Vice Mayor Jose Angelo Rafael E. Agcaoili ang pagkakaloob ng P20,000 na ayuda sa mga pamilyang benepisyaryo bilang tulong sa kanilang pagbangong muli mula sa sakuna.#