Namahagi kamakailan lang ang National Housing Authority (NHA) ng kabuuang 233 tahanan sa mga kwalipikadong benepisyaryo sa Tagum City, Davao del Norte at sa bayan ng Glan, Sarangani Province.
Sa utos ni NHA General Manager Joeben A. Tai, nakatanggap ang kabuuang 200 pamilya ng mga tahanan sa Masandag Tribal Village Phase 1 at 2, na binubuo ng tig-100 unit bawat isa sa ginanap na seremonya.
Matatagpuan sa Purok 4-A Barangay Canocotan Tagum City, ang nasabing mga pabahay na bahagi ng Housing Assistance for the Indigenous Peoples (HAPIP) ng NHA, na nag-aatas sa Ahensya na bumuo ng mga pabahay sa sariling lupang ninuno ng mga Indigenous Peoples (IPs) o sa mga lupaing pagmamay-ari ng Local Government Units (LGU) na katanggap-tanggap sa mga kaukulang katutubo. Ang nasabing programa ay ipinatutupad sa pakikipag-ugnayan sa National Commission for Indigenous Peoples (NCIP) at mga kaukulang local government unit.
Kabilang sa mga benepisyaryo ng Masandag Tribal Village Phase 1 at 2 ang mga pamilyang katutubo na kabilang sa mga tribo ng Mansaka, Mandaya, Kagan, Dibabawon, Manobo, B’laan, Subanen, Kaolo, Bagobo, Hiligaynon, Higaonon, Mangguangan, Tagakaolo, at Ata-Manobo.
Kinatawan ni NHA GM Tai sa pamamahagi si Region XI Manager Engr. Clemente A. Dayot, Tagum City Mayor Rey T. Uy, at iba pang lokal na opisyal ng gobyerno.
Samantala, namahagi naman ang NHA Region XII sa pamumuno ni Regional Manager Engr. Zenaida M. Cabiles ng 33 yunit ng pabahay sa mga kwalipikadong benepisyaryo ng Dreamville Resettlement Project na matatagpuan sa Barangay Kapatan, Glan, Sarangani.
Ang nasabing pabahay ay inaasahang makapagtatayo ng 80 unit ng pabahay, sa ilalim ng Resettlement Assistance Program ng NHA na naglalayong makapagpatayo ng mga tahanan sa mga informal settler families (ISFs) na naninirahan sa mga mapanganib na lugar, partikular na sa mga lugar na binabaha at yaong mga kwalipikado sa ilalim ng Republic Act 7279 o Urban Development and Housing Act (UDHA) na nangangailangan ng agarang relokasyon.#