Dinaluhan kamakailan lang ng mahigit 1,838 benepisyaryo ang People’s Caravan: Serbisyong Dala ay Pag-asa ng National Housing Authority (NHA) sa Northville 14 Resettlement Site, Brgy. Calulut, City of San Fernando, Pampanga.
Sa liderato ni NHA General Manager Joeben A. Tai, layon ng ahensya na mapaunlad ang buhay ng mga benepisyaryo sa pamamagitan ng pagpapaabot ng mga serbisyo ng gobyerno na nilahukan ng 36 na pampubliko at pribadong tanggapan na nagkaloob ng iba’t ibang pangunahin at pangkabuhayang serbisyo.
Bilang kinatawan ni Pampanga Governor Dennis G. Pineda, inihayag ni Former Mayor at Executive Assistant Mylyn Pineda-Cayabyab ang pasasalamat ng lalawigan sa NHA para sa patuloy nitong pagkakaloob ng suporta sa mga benepisyaryong Cabalen at mga Kapampangang komunidad.
“Salamat sa ating National Housing Authority and General Manager Joeben Tai, dahil sa pagkakataong ito na ipadama sa mga Kapampangan ang hatid na serbisyo sa ating mga Cabalen. Isang pag-asa ang maisasakatuparan dahil sa mga tulong ng NHA,” ani niya.
Kasama sa mga tinangkilik na serbisyo ay ang job fair at mga booth patungkol sa trabaho at hanap-buhay na pinangunahan ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Public Employment Service Office (PESO) ng Pampanga at City of San Fernando. Ang mga benepisyaryo namang nagnanais makapang-ibang-bansa ay nabigyan ng pagkakataong makapagsumite ng aplikasyon at makadalo sa orientation tungkol sa overseas work mula sa Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA). Habang ang Pampanga Manpower Management Training Center at anim (6) pang pribadong tanggapan ang nagsagawa ng manpower training at mega job fair para sa lokal na mga trabaho sa pribadong sektor.
Natututo rin ang mga benepisyaryo ng mga bagong kaalaman mula sa pangkabuhayang pagsasanay na pinangunahan ng iba’t ibang ahensiya. Kasama rito ay ang Cooperative Development Authority (CDA) na nagkaloob ng cooperative membership training para sa mga benepisyaryo. Konsultasyon ukol sa pagnenegosyo naman ang isinagawa ng Department of Trade and Industry (DTI) habang pagsasanay sa agrikultura, food processing, at iba pang skills demonstration ang pinasimulan ng Bureau of Plant and Industry (BPI), Department of Science and Technology (DOST), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), at Gonzalo Puyat School of Arts and Trades.
Nasa nasabing caravan din ang mga tanggapang pangkalusugan na nagkaloob ng libreng gamot at konsultasyong medikal. Ang Commission on Population Development (CPD) ay nagbigay ng mga information material at konsultasyon sa family planning at reproductive health na may kasamang libreng mga contraceptives. Konsultasyon sa mata, general check-up at iba pang serbisyong medikal naman ang handog ng Philippine National Police (PNP)- Region 3 Medical Unit at Jose B. Lingad Memorial General Hospital. Libreng gamot at bitamina naman ang ipinamahagi ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) habang abot-kayang health membership ang ipinaabot ng Philippine Red Cross.
Bukod pa rito, ang Philippine Statistics Authority (PSA), Social Security System (SSS), Home Development Mutual Fund (HDMF/Pag-IBIG Fund), at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ay tumugon sa mga katanungan ng mga benepisyaryo patungkol sa mga dokumentong pampubliko. Pagproseso naman ng police at NBI clearance ang isinagawa ng PNP at National Bureau of Investigation (NBI).
Ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) Pampanga Chapter ay nagkaloob din ng libreng konsultasyong ligal habang nagsagawa naman ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng on-site screening and assistance for individuals in crisis.
Panghuli, nakapamili rin ang mga benepisyaryo ng Northville 14 ng murang produktong farm-to-market mula sa Department of Agriculture’s (DA) Kadiwa on Wheels habang ang DA-Bureau of Plant Industry (BPI) ay nagpamahagi naman ng free seedlings.
Samantala, siniguro naman ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang libre at mabilis na koneksyon sa internet ng mga kalahok, nag-organisa, at mga benepisyaryong nasa caravan.
Personal na binista ni NHA Assistant General Manager Alvin S. Feliciano, bilang kinatawan ni GM Tai, ang pagsasagawa ng People’s Caravan sa lugar kasama ang tanggapan ng NHA Region III at Community Support Services Department.
Sa kaugnay na kwento, kamakailan lamang, dumalo rin ang NHA Region IV, sa pangunguna ni Regional Manager Roderick T. Ibañez, bilang kinatawan ni NHA GM Tai, sa Lab for All Caravan ng Unang Ginang Marie Louise “Liza” Araneta-Marcos sa Ynares Event Center, Antipolo, Rizal. Ang NHA, bilang masugid na taga-suporta ng Lab for All Caravan, ay nagkaloob ng tulong-pabahay at namili ng limang (5) mapalad na kalahok sa nasabing caravan sa Antipolo, Rizal. Ang mga naturang benepisyaryo na napili ay nabigyan ng pagkakataong mamimili ng kanilang lilipatang tahanan sa mga proyektong pabahay ng NHA sa Rizal.#