INTERNATIONAL ANTI-CORRUPTION DAY
GINANAP noong Disyembre 9 ang sabay-sabay na pagpapatunog ng ‘Bell’ ng lahat ng pampublikong paaralan sa bansa at nagdasal ng Multi Sectoral Anti-Corruption Council (MSACC) Prayer ang lahat ng estudyante at guro na ilan sa mga ito ay kasapi rin ng Junior Graft Watch Unit (JGU) kaugnay sa paggunita ng “2010 International Anti-Corruption Day”.
Nagkaroon din ng ‘integrity shout out’ na may temang “Sigaw Laban sa Katiwalian, Aksyon!” na isinagawa sa Tanggapan ng Ombudsman.
May mga makikita ring mga iginuhit na ‘editorial cartoon’ mula sa naganap na mga paligsahan noong pang Nobyembre buhat sa iba’t-ibang paaralan sa National Capital Region (NCR) na may temang “Simula ng Pagbabago, Ngayon!”.
Lumahok din sa nasabing aktibidad ang Public Services Labor Independent Confederation (PSLINK), Community Force Multipliers for Peace, Inc. (CFMI), Alliance of Concerned Transport Operators (ACTO) gayundin ng iba pang katuwang na ‘civil societies’ at ahensiya ng pamahalaan na miyembro ng MSACC.
Panawagan ni Assistant Ombudsman Jose De Jesus, Spokesperson din ng nasabing tanggapan sa publiko na patuloy na magtiwala sa kanilang tanggapan at sama-samang labanan ang katiwalian sa gobyerno na nagdudulot ng matinding kahirapan sa bansa.
Mula dito sa Tanggapan ng Ombudsman Cathy Cruz para sa programang Lingkod Bayan DWAD nag-uulat.
-30-