“Hindi nakatali ang karapatan ng kababaihan sa kalalakihan sa ilalim ng pagpaptupad ng repormang agraryo,” ito ang mensahe ni Agrarian Reform Undersecretary Luis Meinrado Pangulayan sa pagbubukas kahapon ng mga aktibidad ng ahensya sa pagdiriwang ng National Women’s Month.
Ayon kay Pangulayan, sa proseso ng pagpili ng mga agrarian reform beneficiaries (ARBs), ang mga babae ay tintratong kapantay ng lalaki sa mga karapatan at pribilehiyo nito.
“Sa pagpapatupad ng programa, sa pagbibigay ng mga serbisyong pangsuporta at pagbibigay ng mga lupain at mga titulo sa repormang agraryo, ang babae ay nakatayo sa pantay na katayuan sa lalaki,” sabi niya.
“Ang mandato ng DAR ay nakakabit sa social justice. At sa bawat aspeto sa pagpapatupad ng programang ito, sa field operations at support services, nandoon ang maliwanag na pagpapahalaga sa pagiging patas sa kababaihan at kalalakihan,” ani pa ni Pangulayan.
Sa temang “Lipunang Patas sa Bagong Pilipinas: Kakayahan ng Kababaihan, Patutunayan!,” ang DAR ay nakikiisa sa pamahalaan sa pagdaraos ng buwan ng mg kababaihan.
Sinabi ni Undersecretary for Support Services Rowena Niña O. Taduran, na siya ring Chairperson ng Gender and Development National Steering Committee ng DAR, na ang selebrasyon ngayong taon ay isang paraan ng pagbibigay pugay sa lahat ng kababaihang magsasaka at lider na masugid na namumuno at patuloy na isulong ang mga adbokasiya ng kababaihan.
Si Senadora Loren Legarda, sa kanyang mensahe sa kick-off ceremony ng National Women’s Month Celebration sa DAR Compound sa Quezon noong Lunes, binigyang-diin ni Legarda ang pangangailangang tiyakin na ang kababaihan sa agrikultura ay may pantay na daan (access) sa mga kasangkapan at oportunidad sa ekonomiya, kagaya ng mga lalaki.
“Dapat nating kilalanin ang mga kontribusyon ng kababaihan na hindi nababayaran at kulang sa halaga sa sektor ng agrikultura at repormang agraryo. Upang umunlad, dapat silang magkaroon ng pantay na pag-access sa mga kagamitan at oportunidad sa ekonomiya. Ang pagtagumpayan ang pag-sasantabi ng kababaihan at pagbibigay sa kanila ng pinansyal na kalayaan ay kailangan para umunlad ang buong sektor ng agrikultura,” sabi ni Legarda.
Si Legarda, isang masugid na tagapagtaguyod ng mga karapatan ng kababaihan, ay gumawa ng mga batas sa anti-trafficking ng kababaihan at mga bata at ang Anti-Violence Against Women and Their Children Act.
“Kahit na mayroong mga batas na ito, napakahalaga na manatiling mahigpit na bantayan at magkaroon ng pangangasiwa sa pagpapatupad nito. Upang kilalanin ang mga umuusbong na pangangailangan ng kababaihan sa isang globalisadong mundo. Upang manatiling nakatuon sa pagpapahusay ng ating mga patakaran tungo sa pagkakapantay-pantay ng kasarian,” sabi ni Legarda.
Iminungkahi ni Legarda, na gumawa ng Magna Carta para sa micro small and medium-sized enterprises (MSMEs), na ang mga magsasaka, lalo na ang mga kababaihan, ay gumamit ng batas na ito upang mapabuti ang kanilang pamumuhay. Tinutulungan ng MSMEs ang mga rural entrepreneur sa kanilang mga agricultural ventures sa pamamagitan ng iba’t ibang tulong mula sa mga ahensya ng pamahalaan.
“Ang Magna Carta para sa mga micro small at medium-sized na negosyo ay kung saan maaaring makinabang ang mga ARB. Upang ang MSMEs na siyang gulugod ng ating ekonomiya ay mabigyan ng kakayahan sa pananalapi, pagsasanay, pagpapalaki ng kapasidad, tulong sa kapital, kagamitan, kasangkapan, at marketing para sa mga kababaihang micro-entrepreneur sa ARCs,” ani Legarda.
Sina Rep. Marie Bernadette Escudero ng 1st district ng Sorsogon at Rep. Lora Silverio ng 3rd district ng Bulacan ay dumalo rin ang okasyon at nagbigay ng kanilang inspirational messages sa mga kalalakihan at kababaihan ng DAR.
Sa buong buwan ng Marso, inihanda ng DAR ang mga sumusunod para ipagdiwang ang Pambansang Buwan ng Kababaihan: Ang iba’t ibang forum tungkol sa gender sensitivity, health and wellness activities, food festival, bloodletting, bazaar, ay kabilang sa mga aktibidad na nakatakda para sa buwan, kasama na ang pagpapalabas ng mga pelikula tungkol sa kababaihan.
Ang buwan ng kababaihan ay isang pandaigdigang kaganapan na nagdiriwang ng mga tagumpay sa lipunan, ekonomiya, kultura, at pulitika ng kababaihan. Ang araw ay minarkahan din ang isang panawagan sa pagkilos para sa pagpapabilis ng pagkakapantay-pantay ng kababaihan.#