DUMULOG sa Anti-Red Tape Authority (ARTA) ang Crimes and Corruption Watch International (CCWI) matapos kanselahin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang akreditasyon ng mga civil society organizations na nagmamasid sa mga bidding at procurement process ng DPWH batay sa itinakdang batas.

Inireklamo ni CCWI Chairman Dr. Carlo M. Batalla kay ARTA Director General Ernesto Perez, ang naging utos ni DPWH Secretary Manuel Bonoan na walang nang CSO na papayagang maging ‘observer’ sa anumang bidding process na isasagawa ng Bids and Awards Committee ng DPWH batay sa Department Order No. 9 Series of 2024 na inilabas nitong Enero 3, 2024. Bukod sa CCWI, apat pang CSO’s ang apektado sa naturang utos ng ahensya.
Marso 2023, pinansin ni Batalla ang pagkansela ni Bonoan ng Memorandum of Agreement (MOA) ng CCWI bilang observer sa DPWH na unang inaprubahan ni dating Kalihim Mark Villar noong 2021 upang maging ‘transparent’ at may kredibilidad ang lahat ng transaksyon ng DPWH BAC.
Mariing sinabi ni Carlo Batalla na kinansela ang akreditasyon ng CCWI kahit walang anumang ‘derogatory record’ at reklamo ng ‘conflict of interest’ bilang observer sa nakaraang 3 taon.

Katwiran ng DPWH na babaguhin ang mga polisiya ng departamento patungkol sa CSO accreditation kaya minabuting itigil muna ang partisipasyon ng kanilang grupo at 4 na iba pang CSO.
Nakasaad sa Department Order na bibigyan lang ng 30-araw ang sinumang aplikante bilang CSO Observer na makasunod na mga rekisitos ng DPWH na ayon kay Batalla ay dinisenyo ni Bonoan para sila ay pahirapan. Nakapaloob din sa kautusan na nilagdaan ni Bonoan na matutuloy ang anumang bidding sa DPWH kahit pa walang observer at ituturing na sumunod sa proseso alinsunod sa atas ng RA 9184 basta may ‘advisory’ sa CSO.
13.3. Observers shall be invited at least three (3) calendar days before the date of the procurement stage/activity. The absence of observers will not nullify the BAC proceedings, provided that they have been duly invited in writing.

Hindi rin umano dumaan sa publikasyon ang DO-9 na itinakda ng batas at dapat lang umano itong ituring na ‘null and void’ sa simula pa lamang, pahayag ni Dr. Carlo Batalla.#