Bilang bahagi ng kampanya laban sa malnutrisyon, inilunsad ng Department of Science and Technology (DOST)-Batangas katuwang ang Odyssey Foundation Inc., at Pamahalaang Lokal ng San Nicolas ang e-Nutribun Feeding Program para sa mga bata sa naturang munisipalidad noong nakaraang Pebrero 28.
May 100 bata mula sa munisipalidad ng San Nicolas sa Batangas ang napiling maging benepisyaryo ng programa. Ang feeding program na ito ay magtatagal nang apat na buwan, mula ngayong Marso hanggang sa Hunyo ng taong ito.
Sa pagtutulungan ng DOST-Batangas, ng foundation at ng pamahalaang lokal, layon ng proyektong labanan ang suliranin sa malnutrisyon ng naturang bayan.
Ang Odyssey Foundation, Inc. ang sangay na naatasan para sa corporate social responsibility (CSR) ng food manufacturing firm na CDO Foodsphere, Inc. Noong 2021, nagsimulang gamitin ng naturang kumpanya ang e-Nutribun technology ng Food and Nutrition Research Institute of DOST (DOST-FNRI).
Nauna na silang nagsagawa ng feeding program sa mga bayan ng Laurel, Talisay at Tingloy kaagapay ang DOST-Batangas. Kaya sa ikaapat na pagkakataon, napili naman nilang maging benepisyaryo ang bayan ng San Nicolas.
Ang e-Nutribun ang itinuturing na mas pinabuting bersiyon ng nutribun noong panahong 70s, kung saan nagsagawa ng masusing pag-aaral ang DOST-FNRI upang gumawa ng bagong pormula ng tinapay na makatutulong sa pagresolba sa malnutrisyon. Ito ay pagtugon na rin sa panawagan ng Department of Social Welfare and Development’s (DSWD) sa inilabas nilang Memorandum Circular No. 12 Series of 2020, na kilala rin bilang “Guidelines in the Implementation of the Supplementary Feeding Program During Community Quarantine or Other Similar Emergencies.”
Ang mas pinabuting bersiyon ay may higit na micronutrients at vitamin A, at mas pinalambot na tekstura. May bigat itong 160 hanggang 165 grams kada piraso na mas madaling hawakan at kagatin ng mga bata. Bawat piraso ay mayroong 504 calories, 17.8 grams na protina, 6.08 milligrams na iron at 244 micrograms na vitamin A.
Lumagda ang DOST-Batangas, Odyssey Foundation, Inc., at LGU-San Nicolas ng memorandum of understanding upang maging opisyal ang kanilang partnership o pagtutulungan. Nagkaroon rin ng distribusyon ng e-Nutribun para sa mga batang benepisyaryo bilang bahagi naman ng isinagawang seremonya. (Impormasyon mula sa: https://region4a.dost.gov.ph/news/1508-dost-odyssey-foundation-inc-lgu-san-nicolas-launch-e-nutribun-feeding-program-for-children)#