Sa patuloy na pagsusulong sa paggamit ng teknolohiyang sisiguro sa pagpapabuti ng nutrisyon at kalusugan ng mga mamamayan, sumailalim ang tatlong MSME technology adopter ng Cavite sa “Virtual Technology Transfer Training on the Production of Enhanced Nutribun Carrot Variant (ENCV)” na isinagawa ng Department of Science and Technology (DOST)-Cavite noong nakaraang Pebrero 13.
Kabilang sa mga technology adopter ang Miguel Rafael Gabriel (MRG) Food Products, Sir Ezer Bakery & Variety, at Maestra Panaderia na nakikiisa sa layunin ng DOST-Food and Nutrition Research Institute (FNRI) na itaguyod ang produksiyon at distribusyon ng kanilang Enhanced Nutribun technology at pagsasagawa ng serye ng mga pagsasanay sa paggamit ng nasabing teknolohiya.
Nagpaunlak rin sa naturang programa si Cavite Provincial Director Gilda S. De Jesus of PSTO-Cavite na nagbigay ng pambungad na mensahe sa mga mga nagsanay na MSME. Ang tatlong MSME ay kasama sa ika-pitong batch na sumailalim sa technology transfer training sa Cavite.
Sa unang araw, pinangunahan ni Filipina Bragas ng DOST-FNRI ang oryentasyon kung saan tinalakay ang 5S (sort, set in order, shine, standardize at sustain), Food Safety, at Good Manufacturing Practices (GMP). Nagsagawa rin ng kauna-unahang virtual ceremonial signing of Technology Licensing Agreement (TLA) sa ginanap na programa.
Sa ikalawang araw naman ay tinuruan na sila ni Carissa Saldaña, mula pa rin sa DOST-FNRI, ng proseso ng preparasyon ng shredded carrot at enhanced nutribun base sa promulasyon ng ahensiya.
Lahat ng technology adaptors na kalahok ay matagumpay na nakapag-produce ng ENCV sa pagtatapos ng pagsasanay. At nagparating ng pasasalamat sa DOST-FNRI at DOST-Cavite sa kanilang suporta at sa oportunidad na maging lisesyado sa paggawa ng ENCV.
Maliban dito, ang mga nasabing MSME na sinanay ay mga technology licensee rin ng Enhanced Nutribun Squash Variant (ENSV) at Enhanced Nutribun Sweet Potato Variant (ENSPV).
Samantala, parehong benepisyaryo ang Maestra Panaderia at MRG Food Products ng Small Enterprises Technology Upgrading Program o SETUP noong taong 2021.
Isinama ng Food and Agriculture Organization of the United Nations (FAO-UN) ang carrot sa kanilang listahan bilang ika-lima sa 27 mga nangungunang produktong gulay noong 2015. Batay naman sa pag-aaral ng Bureau of Agricultural Research, itinuturing rin itong isa sa mga pinakaimportanteng gulay na tipikal na tumutubo sa mga kabundukan sa Pilipinas. Maganda umanong alternatibo ang carrot sa kalabasa, dahil parehong may sapat na nutrisyong nakukuha sa mga ito gaya ng bitamina, mineral at dietary fiber.
Ang Enhanced Nutribun ay kasama rin sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) Memorandum Circular No. 12 Series of 2020, na kilala rin bilang, “Guidelines in the Implementation of the Supplementary Feeding Program During the Community Quarantine Period or Other Similar Emergencies.”
Patuloy ang DOST sa pag-implementa ng mga programang gumagamit sa agham at teknolohiya o S&T para sa pagpapaunlad ng mga komunidad. Sinisiguro ng ahensiya na magamit at maisagawa ang mga teknolohiyang dinedebelop nito tungo sa paglago ng ekonomiya at para sa benepisyo ng mamamayan. (Impormasyon mula sa: https://region4a.dost.gov.ph/news/1505-three-technology-adopters-from-cavite-attend-technology-transfer-training-on-the)#