Mga kamatis at sili na may panlaban sa mga sakit na nagdudulot ng mabilis na pagkalanta at pagkalapnos ang ibinida ng isang proyekto sa ilalim ng Manila Economic and Cultural Office – Taipei Economic Cultural Office (MECO-TECO) S&T Cooperation Program.
Sa tulong ng mga mananaliksik ng nasabing proyekto, natukoy ang 21 uri o ‘accessions’ ng kamatis at 51 accessions ng sili na may resistensya laban sa pagkalanta na dulot ng ‘bacterial wilt,’ at 11 accessions ng sili na may resistensya laban sa ‘anthracnose’ o lapnos.
Napatunayan sa pagsusuri ang kaugnayan ng 15 ‘molecular markers’ sa resistensya laban sa ‘bacterial wilt,’ habang pitong molecular markers naman ang nauugnay sa resistensya laban sa anthracnose. Gamit ang mga datos na nakuha sa pag-aaral, inaasahan na madedebelop ng mga eksperto ang mga linya o ‘lines’ ng kamatis at sili na may mainam na panlaban sa mga nasabing sakit.
Ayon kay Dr. Mark Angelo O. Balendres ng Institute of Plant Breeding, College of Agriculture and Food Science (IPB-CAFS) ng University of the Philippines Los Baños (UPLB), pipili ang kanilang grupo ng 10 linya ng kamatis at sili na may pinakamataas na resistensya laban sa mga nasabing sakit at itatanim sa dalawang ‘glasshouse set-ups’ para sa ‘participatory breeding activity’ ng proyekto.
Sa isang pagtitipon, inirekomenda ni Dr. Tonette P. Laude ng Institute of Crop Science sa UPLB ang pagpapalawak ng pag-aaral sa mga taniman ng kamatis at sili na nakararanas ng ‘high disease incidence.’ Sa pamamagitan nito, mas masisiguro ng pag-aaral ang antas ng resistensya ng mga natukoy na halaman laban sa mga naturang sakit. (Danica Louise C. Sembrano; Isinalin sa Filipino ni Karl Vincent S. Mendez, DOST PCAARRD S&T Media Services)