Nakitaan ng potensyal na mapagkunan ng pagkain ang mga higanteng gabi o ‘giant swamp taro’ ng Agusan del Sur sa ipinakitang resulta ng proyekto ng Agusan del Sur State College of Agriculture and Technology (ASSCAT). Ang nasabing proyekto ay inaasahan na makakapagbigay ng benepisyo sa mga magsasaka ng gabi, nagnenegosyo, panadero, at mga sambahayan na ang negosyo ay may kinalaman sa pagkain.
Ayon sa ASSCAT, ang mga higanteng gabi ay maaaring i-proseso at gawing harina na siyang sangkap sa mga produktong pagkain. Sa kasaganahan nito sa bansa, maaaring maging tulay ang paggamit ng higanteng gabi bilang pangdagdag sa mapagkukuhanan ng pagkain at kalaunan ay makamit ang seguridad sa pagkain o ‘food security.’
Isa sa mga proyekto ng ASSCAT ay ang “Development and Use of a GIS-based System for Giant Swamp Taro Production, Processing and Utilization in Agusan Del Sur” na naglalayong tukuyin ang laki o lawak ng mga komunidad kung saan matatagpuan ang mga higanteng gabi sa Agusan del Sur, at ang kaakibat na paggamit sa mga ito. Inaasahan na ang magiging resulta ng proyektong ito ay makatutulong sa pagbabalangkas ng mga istratehiya sa produksyon ng mga higanteng gabi sa probinsya.
Samantala, ang proyektong, “Development of Giant Swamp Taro Chipping Machine” ay layuning makabuo ng isang makinang angkop sa paggawa ng sariwang taro chips mula sa higanteng gabi. Ang mungkahing disenyo ng makinarya ay may kakayahang magbalat, maghiwa , at magtapyas sa pira-piraso ng taro ayon sa sukat na katangap-tangap sa paggawa ng “taro chips.”
Ang mga nasabing proyekto ay sinuportahan at pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development of the Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD). # (Sarah Hazel Maranan-Balbieran; Isinalin sa Filipino ni Jamsie Joy E. Perez, DOST-PCAARRD S&T Media Services)