Isang bukirin sa Magallanes, Cavite ang naging isang modelo sa paggawa at pangangasiwa ng ‘agroforestry farm’ sa tulong ng isang programa ng pamahalaan. Ang agroforestry ay isang pamamaraan ng pagsasaka kung saan isinasama ang mga iba’t ibang klase ng puno sa sakahan.
Ang Ramirez Upland Farmers’ Association, Incorporated (RAFAI), isang grupo ng mga magsasaka at magbubukid, ay nakipag-tulungan sa Agroforestry Support Program for Enhancing Resiliency of Community-Based Forest Management Areas (ASPIRE-CBFM) na mapaunlad ang kanilang sistema upang mapalakas ang kanilang produksiyon, makapagbigay ng karagdagang kabuhayan, at makatulong sa kalikasan.
Ayon sa mga mambubukid ng RAFAI, ang kanilang karaniwang tanim ay puno ng niyog, saging, at guyabano. Sa pagsisiyasat ng kanilang bukirin, ipinakilala sa kanila ang kalidad na pananim ng niyog, papaya, rambutan, at lanzones. Bilang tulong sa pagpaparami ng mga komunidad sa ilalim ng CBFM, ang Philippine Coconut Authority (PCA) Region IV-A at Bureau of Plant Industry (BPI) ay nagbahagi ng mga buto at binhi para sa programa. Kasama rin sa programa ang karagdagang kagamitan sa pagbububukid at makinarya para sa pagproseso ng mga produktong galing sa mga pananim.
Dahil dito, ang mga mambubukid ay nakapamitas na ng kanilang unang ani ng papaya noong simula ng taon. Dagdag pa rito ang patuloy na paglaki ng mga binhi ng niyog, rambutan, at lanzones.
Inaasahan na sa tulong ng mga punong-pananim na bahagi ng programa ay magdudulot ito ng mabuting epekto sa kalikasan at ekonomiya sa Cavite.#(Isinulat nila Engelbert R. Lalican, Eman Noel G. Cañada, Gerlie Joy N. Gutierrez; Isinalin sa Filipino ni Karl Vincent S. Mendez, DOST-PCAARRD S&T Services)