Nakatanggap kamakailan ng electronic land titles (e-titles) at certificates of land ownership award (CLOAs) mula sa Department of Agrarian Reform (DAR) upang suportahan ang layunin ng pamahalaan na palayain ang mga magsasaka mula sa pagkakagapos sa lupa isang daang (100) agrarian-reform beneficiaries (ARBs) sa Lanao del Norte.
“Labis ang aming pasasalamat sa DAR at kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.!” bulalas ni Gituan Batingolo, residente ng barangay Bubong, matapos na tuluyang matanggap ang kanyang titulo ng lupa.
Sinabi ni Marie Vil M. Codilla, Provincial Agrarian Reform Program Officer II, na mula sa kabuuang 100 ARBs, labing-isang (11) ARB ang nakatanggap ng e-titles na sumasaklaw sa kabuuang 29.9002 ektarya sa ilalim ng Project Support to Parcelization of Land Titles (SPLIT).
Ang natitira sa 89 na ARB ay nakatanggap ng regular na CLOA na sumasaklaw sa 46.7679 ektarya sa barangay San Roque at 69.4880 sa barangay Bubong.
Hinamon ni Codilla ang mga ARB na huwag ibenta ang kanilang mga lupa at iginiit ang kahalagahan ng patuloy na pagsasaka at pagpapabuti ng kanilang mga lupain upang maging matagumpay ang programa.
“Ang pamamahagi ng lupa ay panimulang hakbang lamang ng interbensyon ng DAR. Ang departamento ay patuloy na magbibigay ng mga suportang serbisyo at libreng legal na tulong para mapaunlad ang inyong mga sistema ng pagsasaka at pagnenegosyo ng inyong mga produkto, at mapapalak ang mga organisasyon ng mga ARB,” ani Codilla.
Binigyang-diin ni Kolambugan Municipal Mayor Allan M. Omamos ang suporta ng lokal na pamahalaan sa lahat ng mga programa ng DAR.
“Gawin ninyong produktibo ang inyong mga lupain, hindi lamang para sa iyong sariling kapakanan kundi para masiguro ang magandang kinabukasan para sa susunod na henerasyon,” aniya.