Anim (6) na agrarian reform beneficiaries’ organizations (ARBOs) sa lalawigan ng Sultan Kudarat ang nakatanggap ng may kabuuang 300 sako ng vermicompost at 130 galon ng organic foliar fertilizer mula sa Department of Agrarian Reform (DAR) upang palakasin ang kanilang produksyon sa agrikultura at isulong ang isang malusog na paraan ng paggawa ng mga pagkain na hindi nakakaapekto sa kalikasan.
Ang mga farm input, na may kabuuang halaga na P247,350.00, ay ipinagkaloob sa mga ARBO alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kay DAR Secretary Conrado Estrella III upang tumulong sa pagpapabuti ng kabuhayan ng mga magsasaka.
Ang mga sumusunod na ARBO ay nakatanggap ng tig-22 galon ng organic foliar fertilizer at tig-50 sako ng organic vermicompost: ang Agrarian Reform Farmers Association sa Tacurong City; ang Silang Agrarian Reform Beneficiaries Association sa Bagumbayan; ang Palimbang Entrepreneurs Agrarian Reform Beneficiaries’ Organization sa Palimbang; at ang Sitio Lagon Farmers’ Multi-Purpose Cooperative sa Pangulong Quirino.
Sa kabilang banda, ang Kangkong Farmers Association at Tagumpay Vegetable Growers Association, na kapwa matatagpuan sa Esperanza, ay tumanggap ng tig-21 galon at tig-50 sako ng organic fertilizer.
Nagpahayag si Hernane Fermo, Presidente ng Agrarian Reform Farmers Association, ng kanyang taos-pusong pasasalamat sa DAR sa patuloy na pagtulong nito sa mga ARBO.
“Kami ay nagpapasalamat sa matibay na suporta ng DAR, at sa palagiang pag-alaala sa amin, lalo na sa oras ng pangangailangan. Ang mga farm input na ito ay tiyak na makatutulong sa amin upang makagawa ng mas mahusay na mga produkto na maaari naming ibenta na makakapagkumpitensya sa merkado,” ani Fermo.
Ang mga agri-input ay naipagkaloob sa ilalim ng Sustainable and Resilient Agrarian Reform Communities (ARCs) ng DAR na naglalayong isulong ang produksyon ng gulay upang labanan ang epekto ng climate change sa lalawigan.
Sinabi ni Engr. Rushdi Mindalano, Provincial Agrarian Reform Program Officer II, na positibo siya na ang mga agri-input ay makatutulong sa mga miyembro ng ARBO upang matagumpay nilang maharap ang mga hamon sa pagsasaka para mapataas ang kita ng kanilang mga organisasyon.
“Noon pa man ay layunin na namin na mapagaan ang mga problema ng mga magsasaka sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na makamit ang mas mataas na produksyon at kakayahang kumita sa pagsasaka sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga suportang serbisyo,” ani Mindalano.