Ang Department of Agrarian Reform (DAR) sa lalawigan ng Nueva Vizcaya, sa pakikipagtulungan sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ay magpapatayo ng Php 10-Milyong halaga ng tulay upang mapabuti ang pamumuhay ng 1,013 agrarian reform beneficiaries (ARBs) at iba pang residente ng mga kalapit na barangay ng Barangay Wacal, Solano, Nueva Vizcaya.
Ayon kay Provincial Agrarian Reform Program Officer Dindi Tan, ang Wacal Bridge ay may habang 20 linear meter na may dalawang (2) magkabilang kalsada na gawa sa bakal at ipatutupad asa ilalim ng proyektong “Tulay ng Pangulo para sa Kaunlarang Pang-Agraryo” (TPKP) ng ahensiya.
“Sa pamamagitan ng proyektong ito, ang ating mga magsasaka ay magkakaroon ng mas mabilis na daan upang maibiyahe at maibenta ang kanilang mga produkto sa iba’t-ibang pamilihan at trading centers. Bukod sa mga magsasaka, ang iba pang residente ng mga kalapit na barangay ay hindi na dadaan sa mahaba at bakubakong ruta sa kanilang mga pupuntahan, lalung-lalo na ang mga estudyante na pupunta sa kanilang mga paaralan kapag bumalik na sa normal ang ating pamumuhay,” ani Tan.
Idinagdag rin ni Tan na ang proyekto ay matatapos sa loob ng 130 araw, kung saan magagamit na ito sa panahon ng tag-ulan.
“Ang ating mga ARBs ay nag-aabang na sa pagtatapos ng proyektong ito dahil maiiwasan na nila ang hirap na dulot ng tag-ulan sa pagbibyahe ng kanilang mga produkto. Nagpapasalamat ako kay DAR Secretary Brother John Castriciones dahil sa kanyang liderato naipatupad ang proyektong ito,” saad ni Tan.
Ang aktibidad ay dinaluhan nina Congresswoman Luisa Lloren Cuaresma, Solano, Nueva Vizcaya Mayor Eufemia Dacayo, Vice Mayor Philip Dacayo, Punong Barangay Janette Q. Cristobal, mga kinatawan mula sa DPWH-Nueva Vizcaya at DAR Regional Office. # (Public Assistance and Media Relations Service, Department of Agrarian Reform)