LA UNION – Nakatakdang tapusin sa susunod na buwan ang profiling, assessment, at participatory rural appraisal (PRA) sa 20 pang mga bayan at lungsod sa buong Ilocos Region na magiging target areas para sa Farm and Fisheries Clustering and Consolidation (F2C2) Program ng Department of Agriculture.
Sa panayam kay Bb. Rhoda Galban, Regional Coordinator ng F2C2 ng Department of Agriculture – Regional Field Office I (DA-RFO I), sinabi niya na binubuo ang mga ito ng limang lugar sa Ilocos Norte, tatlo sa Ilocos Sur, apat sa La Union, at walo sa Pangasinan.
“For this year, mayroon tayong 20 targets for Region 1 na wino-workout with different banner programs, sa fisheries at PCA. Tinitingnan kasi natin dito na well-represented ang iba’t ibang priority commodities sa region. Kaya ngayon, nag-set tayo ng deadline to conduct initial activities hanggang February 15 para makagawa na ng Cluster Development Plan,” ayon kay Galban.
Samantala, natapos na rin ang profiling at inisyal na mga aktibidad ng banner programs sa mga naunang F2C2 areas na kinabibilangan ng Agoo, La Union (100 ha); Umingan, Pangasinan (300 ha); Bolinao, Pangasinan (201 ha); Sto. Domingo, Ilocos Sur (3,449 ha); at Adams, Ilocos Norte na may potential para sa wine industry.
Ang pangunahing commodity sa mga consolidated farms sa bayan ng Agoo ay palay, habang sa Umingan ay iba’t ibang mga high value crops.
Palay, mais, gulay, mani, kamote, paghahayupan, at 80% na palaisdaan and commodities sa Bolinao, habang palay, mais, gulay, bawang, lasona, tilapia at tabako sa Sto. Domingo.
Matatandaang ang F2C2 ay isa lamang sa mga bagong programa ng DA na nilagdaan ni Sec. William Dar noong buwan ng Agosto, 2020 na naglalayong pagbuklurin ang mga magkakalapit na sakahan at palaisdaan upang mas mapadali ang pagbibigay ng ayuda ng pamahalaan.
Sa mga sakahan, ang dapat na minimum na sukat ng mga taniman ay 100 ektarya para sa palay, namumungang kahoy, perennials, at fiber crops, 75 ektarya sa mais at iba pang grain crops, at 50 ektarya sa high value crops.
Ibabase naman sa farm systems approach ang clustering sa livestock production kung saan pagsasama-samahin ang nasa feedmill centered-livestock production ecosystem para sa mga nag-aalaga ng baboy at manok; malawak na pastulan at maayos na lugar para sa mga free-range chicken at iba pang alagang hayop.
Samantala sa pangingisda, susundin ng producer communities ang pagbubuklod base sa marine and fishery production zone, fishery fleet, at community fishpond leases.
Sa ilalim ng F2C2, tutulungan ang mga magsasaka at mangingisda mula sa pagpoproseso hanggang sa pagbebenta ng kani-kanilang mga produkto sa ilalim ng F2C2 Support and Assistance Program, at mayroon ding communication, loan, at scholarship support sa Special Complementary Programs and Projects.
Para sa mga interesadong makibahagi, kailangang 75% ng mga miyembro ay rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) para sa mga magsasaka at Fisherfolk Registry (FishR) naman sa mga mangingisda. # # # (DA-RFO I, RAFIS)