SOLANO, Nueva Vizcaya – Isinusulong ng Department of Agrarian Reform ang malawakang paghahanap sa mga agrarian beneficiaries (ARBs) nito upang malaman ang kasalukuyang estado ng repormang pansakahan ng bansa simula nang ito ay ilunsad 48 taon na ang nakararaan.
Sinabi ni DAR Secretary Brother John R. Castriciones na ang gawaing ito na bininyagang “Kumustasaka” ay naglalayong alamin ang mga kasalukuyang may-ari ng mga lupang ipinamahagi sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP), ang mga nakatanim sa mga ito at kung anong uri ng suportang serbisyo ang kailangan para sa pagpapalago ng ani.
Ayon kay Brother John, layunin ng Kumustasaka, na nasa estado ng unang pagsubok, na makilala ng DAR ang mga tunay na magsasakang-benepisyaryong na siyang nais ng DAR ba makinabang sa mga tulong na kanilanng ipinaaabot.
“Ang nais nating mangyari rito ay malaman kung ang mga lupang pansakahang ipinamahagi ay patuloy pa ring nililinang ng mga magsasakang-benepisyaryo. Nais din nating malaman ang kasalukuyang estado ng kabuhayan nila at ano ang mga pangunahing pangangailangan nila upang mapataas ang kanilang ani at kita,” ani Brother John sa kanyang pagbisita sa kanilang sakahan na kanya ring tinagurian bilang “ARBisitahan.”
Ipinaliwanag ni Bro. John na ang Kumustasaka at ARBisitahan ay isinusulong ng sabay ng mga opisyales at mga kawani ng ahensya sa mga bahay ng mga magsasakang-benepisyaryo upang malaman kung ano na ang estado ng kanilang kabuhayan matapos ipamahagi sa kanila ang mga lupang pansakahan.
Sinabi naman ni Undersecretary for Support Services Emily Padilla na ang Kumustasaka at ARBisitahan ay isinasagawa para matukoy kung sino ang mga tunay na magsasakang-benepisyaryo.
Ayon kay Padilla, napansin niya nuon sa pamamahagi ng mga gamit sa pagtatanim at pagsasaka para sa mga magsasakang-benepisyaryo: “Ang iba sa kanila ay hindi tunay na magsasakang-benepisyaryo.”
“Nais nating maseguro na ang mga tunay na magsasakang-benepisyaryo talaga ang makinabang sa mga tulong na ating ipinaaabot sa kanila,” ani Padilla.
Sinabi naman ni Undersecretary for Planning, Policy and Research Virginia Orogo na ang mga aktibidad na ito ay malaki ang maitutulog sa DAR upang mapulsuhan kung hanggang saan na ang narating ng programa ng pamahalaan sa repormang pansakahan makalipas ang 48 taong pagsasakatuparan nito.
Inihayag ni Orogo na napapanahon na para maglabas ng kumpletong profile ng bawat magsasakang-benepisyaryo upang makita ang antas ng progreso ng CARP.
“Magsisilbing itong panukat na magiging gabay natin kung saan tayo naging maayos at kung saan tayo mas kinakailangan sa pagsasakatuparan ng CARP,” aniya.-30-