BAUKO, Mountain Province – Hinamon ng Department of Agrarian Reform ang mga magsasakang nagtatanim ng sayote dito na tumulong sa pagpapanatili ng balanseng ekolohiya at kapaligiran sa pamamagitan ng pag-iwas sa pagputol ng mga punong kahoy.
Tinuran ni provincial agrarian reform program officer Jane Toribio ang hamon sa ginanap na masusing pagpaplano para sa pagpapaunlad ng pagsasaka ng sayote nang hindi ginagambala ang ekolohiya at kapaligiran, at ang pamamahagi ng mga gamit at materyales sa ilalim ng Convergence on Livelihood Assistance for ARBs (agrarian reform beneficiaries) Project [CLAAP] na ginanap sa Barangay Monamon.
Apatnapu’t tatlong magsasaka ang nabiyayaan ng mga gamit at materyales na kasapi sa dalawang grupo ng magsasaka, ang Bauko Organic Practitioners Credit Cooperative (BOPCC) at Monamon Fedecration of Irrigators Association (MONFIA), na kanilang gagamitin sa pagtatayo ng sementadong poste bilang gapangan ng mga sayote.
“Malaki ang kapakinabangan sa mga poste dahil magsisilbi ang mga ito bilang gapangan ng mga sayote at mapanatili ang mga ito sa sinasakang lupa ng mga magsasaka sa halip na gumapang kung saan saan na nagiging dahilan upang unti-unting mamutol ng kahoy ang mga magsasaka sa mga lugar na sinakop ng kanilang mga sayote,” ani Toribio.
Sinabi ni Toribio na ang pagtatayo ng mga posteng gapangan ng mga sayote ay makatutulong upang malimitahan ang ginagapangan ng mga sayote at mapapangalagaan ang balance ng ekolohiya at kapaligiran.
“Hinihimok ko kayo na huwag putulin ang mga puno sa inyong sakahan ng sayote. Dapat nating bantayan at alagaan ang ating kapaligiran. Maaari din ninyong subukan ang pagtatanim ng kape bilang alternatibong pananim,” ani Toribio.-30-