Sa ikalawang pagkakataon, pinangunahan ng Philippine Air Force Tactical Operations Group 2 ang distribusyon ng 12, 800 piraso ng binhing gulay ngayong araw sa siyam na barangay, Enero 12, sa Cabatuan, Isabela.
Katuwang ang Department of Agriculture Regional Field Office No. 2 at LGU Cabatuan, bilang suporta pa rin ng PAF sa programang Plant, Plant, Plant o Ahon Lahat Pagkaing Sapat kontra Covid-19.
Sa naging pahayag ni PAF TSG Cyril Mendoza nagpasalamat siya sa DA sa tulong na kanilang ipinagkaloob.
Hinimok din ni DA Cagayan Valley Research Center Manager Rolando Pedro na magtanim ng gulay habang mayroong banta ng Covid19 at African Swine Fever upang may sapat na pagkunan ng pagkain habang umiiral pa rin ang lockdown sa bansa.
Nagkaroon din ng launching ng Gulayan sa Barangay na kung saan nagbahagi ang DA ng mga planting materials sa isang napiling barangay ng Cabatuan. # # # (DA-RFO II, RAFIS)