Iginiit ng political analyst at author na si Sass Rogando Sasot na may malalim na kalituhan ang publiko at maging ang ilang opisyal ng pamahalaan hinggil sa tunay na kalagayan ng Scarborough Shoal, na kilala rin bilang Bajo de Masinloc o Panatag Shoal, lalo na sa madalas na binabanggit na 2016 South China Sea Arbitration ruling.
Ayon kay Sasot, maling tawaging “PCA ruling” ang desisyon noong 2016 dahil ang Permanent Court of Arbitration (PCA) ay registry lamang ng tribunal at hindi ang mismong nagpasya. Dagdag niya, malinaw sa desisyon ng South China Sea Arbitration Tribunal na ang Scarborough Shoal ay legally classified bilang isang “bato” at hindi isang “isla,” na nangangahulugang may 12 nautical miles (NM) territorial sea lamang ito at walang karapatang magluwal ng exclusive economic zone (EEZ) o continental shelf.
Ipinaliwanag ni Sasot na nahahati sa dalawang bahagi ang katubigan ng Scarborough Shoal: ang lagoon o loob ng shoal (Area A) at ang nakapalibot na 12NM territorial sea o surrounding waters (Area B). Aniya, ang soberanya sa mismong shoal ay nananatiling disputed at walang bansang may de jure o kinikilalang soberanya rito sa internasyonal na antas, bagama’t ang China ang may tinatawag na “effective occupation,” na nagbibigay dito ng de facto sovereignty sa lugar.
Binigyang-diin din niya na hindi soberanya ang ipinaglaban ng Pilipinas sa arbitration case kundi ang traditional fishing rights ng mga mangingisdang Pilipino sa surrounding waters ng Scarborough Shoal. Sa Paragraph 761 ng desisyon, kinilala ng tribunal na ang mga mangingisda mula sa Pilipinas, China, at Vietnam ay pawang may tradisyunal na karapatang mangisda sa nakapalibot na tubig ng shoal, ngunit hindi sa lagoon.
Dahil dito, nilinaw ni Sasot na walang legal na batayan ang Pilipinas upang igiit ang traditional fishing rights sa loob ng lagoon, na maaaring ituring bilang internal waters ng Scarborough Shoal. Aniya, kung nais ng Pilipinas na makapangisda sa lagoon, kinakailangan nitong patunayan sa International Court of Justice na may soberanya ito sa shoal. Gayunpaman, iginiit niya na hindi maaaring hadlangan ng China ang mga mangingisdang Pilipino sa pangingisda sa surrounding waters, dahil ang traditional fishing rights ay pribadong karapatan na protektado ng customary international law, kahit hindi kinikilala ng Beijing ang arbitration ruling.
Bilang pagtatapos, nanawagan si Sasot na maging malinaw ang posisyon ng pamahalaan kung aling bahagi ng katubigan ang ipinagbabawal at alin ang dapat ipaglaban, at iginiit na ang solusyon sa isyu ng Scarborough Shoal ay hindi dapat idaan sa retorika o dramatikong pahayag kundi sa seryosong negosasyon ng isang fishing agreement sa China, na igagalang ang karapatan ng mga mangingisda mula sa Pilipinas, China, at Vietnam.#
𝑨𝒏𝒈 𝒍𝒊𝒏𝒌 𝒔𝒂 2016 𝑺𝒐𝒖𝒕𝒉 𝑪𝒉𝒊𝒏𝒂 𝑺𝒆𝒂 𝑻𝒓𝒊𝒃𝒖𝒏𝒂𝒍 𝑫𝒆𝒄𝒊𝒔𝒊𝒐𝒏:




