Pormal nang nagkasundo ang hotel chain na Astrotel at ang Sparkx Chocolate sa isang Memorandum of Agreement (MOA) nitong Martes (Enero 27) upang ilako at ipagbili ang espesyal na tsokolateng may pampagana o aphrodisiac na sangkap sa lahat ng walong sangay ng Astrotel.

Ayon kay Sue G. Geminiano, Corporate Marketing Head ng Astrotel, ang partnership ay naglalayong mapalago ang karanasan ng mga bisita, lalo na sa mga mag-asawa. “Ito ang unang pagkakataon na magsasama ang dalawang partido para sa ganitong produkto,” aniya sa isang press conference sa Eurotel Cubao-Vivaldi. Pinasubalian ni Geminiano na ito ay katulad ng Viagra o Robust, at iginiit na ang mga sangkap ay naglalayong “magpapalakas ng mga kalamnan” at magpahusay ng “sexual mood” para sa lalaki at babae.
Si Charles Joshua Rea, CEO at Founder ng Sparkx, ang nagsiwalat na ang ideya ng sex chocolate ay hango sa isang viral na produkto sa Amerika. Aniya, nagdagdag lamang sila ng mga aphrodisiac ingredients sa tsokolate. “Ito ang produkto na magpapahusay sa iyong karanasan sa mga maselang sandali kasama ang iyong partner,” pahayag ni Rea.
Binigyang-diin ni Rea ang kaligtasan ng produkto, na walang nakasamang sangkap para sa bata, at maaaring ihalo sa pagkain at inumin maliban sa alkohol. Inirerekomenda ang kalahating piraso bawat araw, ngunit maaaring inumin araw-araw kung walang allergy sa tsokolate.
Ang kasunduan ay may bisa sa loob ng isang taon at non-exclusive. Mabibili na ang Sparkx chocolate, partikular ang Mint flavor, sa lahat ng walong Astrotel branches at sa mga online platform.
Magkakaroon ng diskwento hanggang 30% mula sa suggested retail price na P350 bawat kahon, na may karapatang magdagdag ng mark-up ang Astrotel. Mayroon ding kondisyong libreng delivery depende sa laki ng order.
Kabilang sa mga dumalo sa pagpirma sina Anna Mariel P. Quinto, Advertising and Promotions Manager; Cherie Lyn Cabuyao, Corporate Secretary; at Regine Mae Zambra, Treasurer ng Nexxaco OPC.#




