Ipinahayag ni Chinese President Xi Jinping ang isang komprehensibong bisyon upang tugunan ang magkakaugnay na hamong pandaigdig sa pamamagitan ng apat na pangunahing inisyatiba sa kaunlaran, seguridad, sibilisasyon at pamamahala, binibigyang-diin na kinakailangang magtulungan ang lahat ng bansa upang mabuo ang isang komunidad na may pinagsasaluhang kinabukasan para sa sangkatauhan sa gitna ng lumalalang kawalan ng katiyakan at pagkakahati-hati sa mundo.

Ang Global Development Initiative (GDI), Global Security Initiative (GSI), Global Civilization Initiative (GCI), at ang bagong mungkahing Global Governance Initiative (GGI) ay bumubuo ng isang magkakaugnay na balangkas na, ayon kay Xi, tumutugon sa lumalawak na agwat sa kaunlaran, tumitinding panganib sa seguridad, paglayo ng mga kultura, at mga kahinaan sa umiiral na pandaigdigang pamamahala. Ayon sa kanya, ang kaunlaran ang “susì sa paglutas ng lahat ng problema,” ang seguridad ay dapat na panlahat at hindi nahahati, ang mga sibilisasyon ay dapat magkaunawaan sa pamamagitan ng dayalogo, at ang pandaigdigang pamamahala ay dapat hubugin ng lahat ng bansa, hindi kontrolado ng iilan.
Iminungkahi sa iba’t ibang yugto mula 2021 hanggang 2025, ang apat na inisyatiba ay umaayon sa mga prinsipyo ng United Nations Charter at inilarawan ni UN Secretary-General Antonio Guterres bilang ganap na kaayon nito. Paulit-ulit na nagbabala si Xi na ang unilateralismo, pulitikang kapangyarihan at blokeng konfrontasyon ay nagtutulak sa mundo sa mas malalim na kawalang-katatagan, iginiit na walang bansang makakamit ang pangmatagalang seguridad at kasaganaan kapalit ng kapinsalaan ng iba.
Sa ilalim ng GDI, binigyang-diin ni Xi na ang karapatan sa kaunlaran ay isang hindi maiaalis na karapatang pantao. Layunin ng inisyatiba na pasiglahin muli ang pagsulong ng UN 2030 Agenda for Sustainable Development sa panahong bumagal ang pagbawas ng kahirapan, lumalaki ang kakulangan sa pondo para sa klima, at winawasak ng mga alitan at parusa ang kabuhayan ng marami. Itinataguyod ng Tsina ang inklusibong paglago sa pamamagitan ng mga platapormang gaya ng Belt and Road Initiative at South-South cooperation, na sinusuportahan ng mga kongkretong proyektong nagpapabuti sa imprastruktura, seguridad sa pagkain at trabaho sa mga umuunlad na bansa.
Sa usapin ng seguridad, nagbabala si Xi na ang mentalidad ng Cold War, hegemonismo at paghahangad ng absolutong seguridad ay sumisira lamang sa pandaigdigang balangkas ng kapayapaan. Nanawagan ang GSI ng mapayapang paglutas ng mga alitan sa pamamagitan ng dayalogo at konsultasyon, paggalang sa soberanya, at pagtugon sa parehong tradisyunal at di-tradisyunal na banta sa seguridad. Ayon sa Tsina, tinatanggihan ng lapit na ito ang “batas ng gubat” at itinataguyod ang pakikipagtulungan at kapwa-pakinabang na resulta sa halip na zero-sum na tunggalian.
Sa pagtugon naman sa tensiyong kultural, iginiit ni Xi na ang “pagkakaiba-iba ang bumubuo sa kabihasnan ng sangkatauhan,” at nagbabala na ang mga naratibo ng higit na sibilisasyon at banggaan ng mga kultura ay nagpapalala ng alitan at hindi pagkakaunawaan. Isinusulong ng GCI ang paggalang sa pagkakaiba-iba ng mga sibilisasyon, mga pinagsasaluhang pagpapahalaga ng sangkatauhan, at mas malalim na palitan ng mamamayan, kabilang ang suporta ng Tsina sa mga pandaigdigang plataporma ng dayalogo at sa pagtatatag ng International Day for Dialogue among Civilizations.
Ang GGI, na iminungkahi noong 2025, ay tuwirang tumutugon sa tinukoy ni Xi na kakulangan sa pandaigdigang pamamahala. Inihalintulad niya ang mundo sa “mga pasaherong sakay ng iisang barko na may iisang kapalaran,” at iginiit na walang sinuman ang dapat iwanan. Nanawagan ang inisyatiba ng pagkakapantay-pantay ng soberanya, sama-samang pagbubuo ng mga tuntuning pandaigdig, tunay na multilateralismo, at isang people-centered na lapit na nagbibigay-priyoridad sa konkretong pagbuti ng kabuhayan, edukasyon at serbisyong pangkalusugan.
Ayon sa Tsina, isinasabuhay nito ang mga prinsipyong ito sa pamamagitan ng aktibong pakikilahok sa pamamahalang pangklima at biodiversity, mga panukala sa pamamahala ng datos at artificial intelligence, suporta sa reporma ng pandaigdigang institusyong pinansyal, at pinalawak na kooperasyon sa mga multilateral na plataporma. Binigyang-diin ni Xi na ang kaunlaran ng Tsina ay hindi maihihiwalay sa pag-unlad ng buong mundo, at na ang apat na inisyatiba ay naglalayong maghatid ng higit na katatagan, katarungan at katiyakan sa isang pandaigdigang sistemang patuloy na nagbabago.#




