Pinagtibay ng Senado ang P45.07 bilyong budget ng National Irrigation Administration (NIA) para sa taong 2026 sa isinagawang plenary deliberations nitong Miyerkoles, Nobyembre 26, 2025 sa Senate of the Philippines.
Matagumpay na naipagtanggol at naisponsor ni Senator Kiko Pangilinan, kasama si NIA Administrator Engr. Eddie G. Guillen, ang budget ng ahensya na naglalayong palakasin ang seguridad sa pagkain ng bansa, pagbutihin at palawakin ang serbisyong irigasyon, at bigyang-kapangyarihan ang mga magsasakang Pilipino.
Sa kanyang mensahe, nagpasalamat si Administrator Guillen sa patuloy na tiwala at suporta ng Senado sa mga magsasaka. Binigyang-diin niya na ang nasabing budget ay magpapatibay sa ambag ng NIA sa layunin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa food security.
“Ang pag-apruba sa ating 2026 budget ay patunay ng bayanihan ng Senado at ng NIA upang matiyak na ang ating mga bagong bayaning magsasaka ay may sapat na irigasyon. Lubos po kaming nagpapasalamat sa Senado at kay Senator Kiko Pangilinan sa kanilang hindi matatawarang suporta sa sektor ng irigasyon at agrikultura,” pahayag ni Guillen.
Binigyang-diin ni Pangilinan na ang irigasyon ang “pinakamakapangyarihang force multiplier sa agrikultura” at aniya, “Kung walang tubig, walang tutubo”.
Bilang tugon sa mga alegasyon ng katiwalian sa ilang proyekto, isinama sa 2026 budget ng NIA ang P50 milyong pondo para sa transparency measures—kabilang na ang public online dashboard na magpapakita sa real-time ng timeline, status, pondo, kontratista, at geo-tagged photos ng bawat proyekto mula simula hanggang matapos.
Sa ilalim ng special provisions na ipinanukala ni Pangilinan, mandated ang NIA na magtatag ng mekanismo para sa Citizen Participatory Audit ng Commission on Audit (COA) at Quarterly Reporting Requirement sa Kongreso upang masiguro ang pananagutan at episyenteng paggamit ng pondo.
Pinuri naman ni Senator Sherwin Gatchalian ang inisyatiba ni Pangilinan na tukuyin ang eksaktong coordinates ng bawat proyekto sa halip na lump sum amounts lamang, upang madaling masubaybayan ng mga lokalidad ang kanilang mga irrigation project.
Ayon sa ulat ng Philippine News Agency, kabilang sa mga pondong nakapaloob sa NIA budget ang:
- P10.08 bilyon para sa national irrigation systems
- P5.02 bilyon para sa communal systems
- P5.22 bilyon para sa pump irrigation systems
- P2.1 bilyon para sa special irrigation sub-programs
- P851 milyon para sa extension at expansion ng existing systems
- P630.61 milyon para sa iba pang istrukturang irigasyon
Kabilang din sa mga tinutukod na proyekto ang P45 milyon para sa Angat Afterbay Regulator (Bustos) Dam, P500 milyon para sa Ilocos Norte–Ilocos Sur–Abra Stage 2 Project, at P513.38 milyon para sa Tumauini River Multi-Purpose Project sa Isabela.
Sa ngayong aprubado na ang budget sa antas ng Senado, tiniyak ng NIA sa publiko at stakeholders na patuloy nitong i-maximize ang resources, episyenteng ipatutupad ang mga proyekto, at pananatilihin ang transparency at accountability tungo sa irrigation service excellence.
Ipinunto naman ni Pangilinan na ang irigasyon ay hindi lamang susi sa produksyon kundi “pinakaepektibong climate adaptation tool” na magtatanggol sa mga magsasaka laban sa tagtuyot, erratic rainfall, at extreme weather.
Ang nasabing budget ay bahagi ng panibagong hakbang ng gobyerno upang siguruhin na ang tubig ay dumadaloy mula sa ilog patungo sa kanal, kanal patungo sa bukid, at bukid patungo sa hapag-kainan ng bawat Pilipino sa pamamagitan ng abot-kayang pagkain.#
