Matagumpay na naisagawa ng Philippine J.C. Senate Foundation (PJSF) ang kanilang relief mission na pinamagatang “Operation Tabang Davao” noong nakaraang Sabado, Oktubre 18, 2025, upang magdala ng kritikal na tulong sa mga pamilyang sinalanta ng malakas na lindol sa Rehiyon ng Davao.

Ang makataong inisyatibang ito, na sinimulan noong Oktubre 12, ay pinamunuan nina PJSF Chairman Vic Cruz at ng Incoming Honorary President na si Juliano “Neng” Tamano. Layunin ng operasyon na magbigay ng agarang suporta sa mga komunidad na nahirapan dahil sa epekto ng lindol.
Isang konboy ng mga sasakyan, puno ng mahahalagang supply, ang byahe mula sa Lungsod ng Davao patungong bayan ng Manay sa Davao Oriental. Namahagi ang mga boluntaryo ng mga pangunahing relief goods kabilang ang mga tent, kumot, banig, insulator, flashlight, at laruan para sa mga bata, na nagsilbing lubos na tulong para sa mahigit 200 na apektadong pamilya.
Pinalakas ang nasabing pagsisikap sa tulong nina J.C.I. Davao Region Honorary Chairman Teddy Garcia at Project Chair Farine Puentes, upang matiyak na naabot ng tulong ang mga pinakanangangailangan.

Sa isang pahayag, binigyang-diin ni Chairman Vic Cruz ang mas malalim na layunin ng misyon. “Ang layunin ng Operation Tabang ay hindi lamang magbigay ng asistensya, kundi upang ipakita ang malasakit at pagkakaisa ng mga Pilipino sa oras ng pangangailangan,” pahayag ni Cruz.
Pinuri rin niya ang tagumpay ng operasyon dahil sa kanyang partner, aniya, “Ito ay hindi magaganap nang napakahusay at napakasuccessful, kung hindi dahil sa aking partner dito, ang incoming president ng foundation, si Neng Tamano.”
Nagpahayag naman ng taos-pusong pasasalamat si Gng. Tamano sa napakalaking suporta. “Masaya ang pakiramdam ko dahil hindi ko inasahang magiging ganito ka-successful ito,” aniya. “Kaya nagpapasalamat ako sa tulong mula sa J.C.I. Senate Foundation at sa J.C.I. Senate.”
Pagkatapos ng pamamahagi, nagpasalamat ang PJSF sa lahat ng J.C.I. donors at business partners na nag-ambag ng pinansyal na tulong at mga gamit. Muli nilang pinagtibay ang kanilang patuloy na pangakong paglingkuran ang mga Pilipinong apektado ng kalamidad sa lahat ng dako ng bansa.
Ang PJSF ay isang civic organisation na nakatuon sa paglikha ng positibong pagbabago sa mga komunidad sa pamamagitan ng iba’t ibang makataong proyekto at inisyatibo.#



