Mahigpit na sinuspinde ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang operasyon ng isang UV Express na sangkot sa isang nakamatay at sunud-sunod na pagbangga sa Commonwealth Avenue, Lungsod Quezon noong Biyernes, Oktubre 17.
Ayon sa LTFRB, ang aksiyong ito ay bilang pagtugon sa kautusan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na gawaran ng kaukulang aksyon ang sinumang lumalabag sa kaligtasan sa kalsada, sa ilalim ng patnubay ni Acting DOTr Secretary Giovanni Z. Lopez.
Naganap ang insidente nang bigla na lamang umanong sumalpok ang nasabing UV Express sa isang grupo ng mga motorsiklo habang ito’y hinahabol ng ilang riders. Ayon sa police report na nakuha ng LTFRB, patuloy na nagmaneho nang mabilis at walang ingat ang drayber, paikot-ikot mula sa eastbound hanggang westbound lanes ng Commonwealth Avenue, at salikop-salikop sa iba pang sasakyan sa pagtatangkang tumakas.
Ang malagim na pangyayari ay nag-iwan ng isang patay at hindi bababa sa labing-apat (14) na sugatan. Marami ring motorsiklo ang nasira.
Naglabas na ng Show Cause Order (SCO) ang LTFRB laban sa may-ari ng UV Express. Iniutos dito na isauli ang plaka ng sasakyang sangkot at ipaimpound ang unit.
“Ang may-ari ng partikular na unit na ito ay maraming dapat ipaliwanag dahil sa insidenteng ito. Titiyakin natin sa imbestigasyon kung bakit ganoon ang naging reaksyon ng drayber ng UV Express na nagresulta sa kamatayan at maraming sugatan,” pahayag ni LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II.
Dagdag pa ni Mendoza, humarap din ang may-ari sa isa pang kaso dahil sa pag-upa sa isang drayber na napatunayang walang ingat sa pagmamaneho. Ang drayber ay naaresto matapos tumakas mula sa pinangyarihan.
“Naaalala namin ang pamilya ng biktima. Sisiguraduhin namin na makakamit nila ang katarungan,” giit ni Chairman Mendoza.
Ang suspension at imbestigasyon ay bahagi ng mas maigting na hakbang ng ahensya upang pairalin ang disiplina at kaligtasan ng mga mamamayan sa kalsada.#
