Bilang tugon sa matinding pinsalang idinulot ng Bagyong Opong, nagpadala ang Manila Water ng isang mobile water treatment plant at water tanker upang makapagbigay ng ligtas at malinis na inuming tubig sa mga apektadong residente ng Masbate.

Sa kabila ng mga hamon sa pamamahagi ng tulong, lalo pa’t tumutok din ang mga pambansa at pribadong relief efforts sa Cebu matapos ang malakas na lindol na yumanig sa lalawigan, ipinagpatuloy ng kumpanya ang kanilang operasyon upang matulungan ang mga nasalanta sa parehong lugar.
Sa Masbate, nakapamahagi na ang Manila Water ng humigit-kumulang 24,000 litro ng malinis na tubig sa tinatayang 16,000 katao mula sa mga Barangay ng Bagacay, Pinamarbuhan, Tabuk, at Malatukan. Ang mga bilang na ito ay batay sa ulat nitong ika-6 ng Oktubre, at patuloy pa rin ang relief operations sa lugar.

Ang mobile water treatment plant ng kumpanya ay kayang gumawa ng 3,000 litro bawat oras sa pamamagitan ng conventional treatment, at 1,500 litro bawat oras gamit ang reverse osmosis. Kasalukuyan itong kumukuha ng tubig mula sa Ilog Mandali sa bayan ng Mobo, Masbate. Mayroon ding alternatibong pinagkukunan ng tubig sa irigasyon ng Barangay Lalaguna upang masiguro ang tuloy-tuloy na operasyon.
Naging posible ang relief operation sa Masbate sa pamamagitan ng malapit na koordinasyon ng Manila Water sa Office of the Civil Defense – National at Office of the Civil Defense Region V, na nagsilbing ground coordinator ng kumpanya.
Ayon kay Jeric Sevilla, Director ng Communication Affairs Group ng Manila Water, “Mahalaga ang access sa malinis na tubig lalo na sa panahon ng kalamidad. Ang aming team sa Masbate ay nakikipag-ugnayan sa mga lokal na awtoridad upang matiyak na may ligtas na maiinom ang mga pamilyang apektado habang nagsisimula silang muling magpatayo.”
Bukod sa Masbate, tumutulong din ang Manila Water sa Cebu, kung saan patuloy na nagbibigay ng malinis na tubig ang kanilang subsidiary sa mga munisipyo na naapektuhan ng lindol.
Nakatuon ang Manila Water sa pagtugon sa pangangailangan ng tubig at sa pagtulong sa mga komunidad, lalo na sa mga oras ng sakuna.#



