Sa pakikipagtulungan ng Manila Water Philippine Ventures (MWPV) at Manila Water Foundation (MWF) sa Metropolitan Cebu Water District, Armed Forces of the Philippines (AFP), at Office of Civil Defense, agarang naiparating ang tulong sa mga pamilyang apektado ng 6.9-magnitude na lindol na tumama sa hilagang bahagi ng Cebu.

Mula pa noong ika-1 ng Oktubre, naghatid ang Cebu Water, isang subsidiary ng MWPV, ng 105 milyong litro ng malinis at ligtas na inuming tubig sa mga munisipyo ng Bogo, Medellin, Tabogon, Borbon, at San Remigio. Dinala ang tubig gamit ang mga trak na may laking 20 at 11 cubic meter upang masigurong tuloy-tuloy ang supply ng tubig-inum sa mga evacuee.
Bukod sa tubig, nag-abuloy din ang Cebu Water at MWF ng 21 sako ng well-milled rice para sa mga pamilya sa Municipality of Carmen. Naghatid naman ang AFP ng unang 500 unit ng 5-gallon na malinis na tubig upang palakasin ang pinagsanib na relief operations.
Upang masuportahan ang patuloy na pagtulong, nangako ang Cebu Water at MWF na magbibigay pa ng karagdagang 10,500 unit ng 5-gallon na bottled water na ipamahagi sa mga apektadong munisipyo. May mga fire truck din mula sa lalawigan at iba’t ibang lokal na pamahalaan na pinapayagang mag-refill sa Carmen Water Treatment Plant ng Cebu Water para sa mga pangangailangan sa inumin at sanitasyon.
Dagdag pa rito, mamahagi din ng daan-daang kahon ng Erceflora probiotics para sa kalusugan ng bituka ng mga pamilya sa evacuation center.

Sumasalamin ang mga hakbanging ito sa diwa ng bayanihan at matatag na pakikiisa ng MWPV, MWF, at kanilang mga kasosyo sa pagtugon sa pangangailangan ng komunidad.
Ayon kay Ruby Rose Mercado, Heheneral na Manedyer ng Cebu Water, “Nakikiisa ang Cebu Water sa mga Cebuano sa panahon ng krisis na ito. Sa pakikipagtulungan sa aming mga partner, tinitiyak namin na may access sa malinis na tubig at iba pang mahahalagang suplay ang mga pamilya. Nawa’y makapagbigay ito ng ginhawa habang nagsisimulang magbangon muli ang mga komunidad.”#



