Matapos ang malawakang konstruksiyon, nasa huling yugto na ng pagsubok ang bagong Aglipay Sewage Treatment Plant (STP) sa lungsod na ito, na inaasahang magpapabuti nang husto sa kalidad ng tubig sa mga ilog at magliligtas sa kalusugan ng daan-daang libong residente.

Sa isang pahayag, sinabi ni Jeric Sevilla, Communication Affairs Group Director ng Manila Water, na ang pasilidad ay isang “landmark achievement” at patunay sa pangmatagalang pangako ng kumpanya sa pagbuo ng mas matatag at sustainable na komunidad. “Ang laki, teknolohiya, at saklaw ng Aglipay STP ay sumasalamin sa aming malalim na pangako sa pagprotekta ng kalusugang pampubliko at pangangalaga sa kapaligiran sa pamamagitan ng world-class na pamamahala ng wastewater,” pahayag ni Sevilla.
Na may kabuuang halagang P3.9 bilyon, ang nasabing planta—na ika-42 ng Manila Water—ay kasalukuyang sumasailalim sa testing at commissioning upang matiyak ang maayos na operasyon at pagsunod sa mga pamantayang pangkapaligiran. Ito ay idinisenyo upang magtreat ng hanggang 60 milyong litro ng wastewater bawat araw mula sa mga tahanan at establisimyento sa Mandaluyong, San Juan, at Quezon City. Sakop ng proyekto ang isang 2,115-ektaryang catchment area.
Sa oras na ito’y tuluyang mapagana, direktang makikinabang ang mahigit 652,000 katao sa tatlong lungsod. Pangunahing layunin ng planta na bawasan ang polusyon sa mga katubigan, na inaasahang magdudulot ng mas malinis na Ilog Pasig at iba pang mga ilog sa nasasakupan.#



