Nagbitiw si Baguio City Mayor Benjamin “Benjie” Magalong sa kanyang puwesto sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) nitong nakaraang linggo, na nagsasabing nais niyang protektahan ang integridad ng komisyon laban sa mga umiiral na pagdududa.
Sa kanyang pahayag noong Setyembre 27, iginiit ni Magalong na malinaw at walang anumang hidwaan ng interes ang kanyang panunungkulan. Ngunit dahil sa mga tanong na umano’y bumalot sa kalayaan ng ICI, minabuti na raw niyang umurong.

“Hinihiwalay ko ang sarili ko, hindi para talikuran ang laban, kundi para protektahan ang integridad ng laban na iyon,” ayon sa beterano ng pulisya at alkalde.
Pangako ni Magalong na tuluy-tuloy pa rin ang kanyang laban kontra katiwalian, kahit pa wala na siya sa ICI. Binanggit niya ang kanyang mga naunang pakikibaka—mula sa trahedya sa Mamasapano, paglalantad sa ‘Ninja Cops,’ hanggang sa pagsuway sa kinaugaliang pulitika.
Mariin niyang inilarawan ang pinsalang dulot ng korapsyon: “Ang bawat pisong ninakaw sa taumbayan ay isang paaralang hindi natapos, isang ospital na walang gamot, isang tulay na gumuguho, at isang pagtataksil sa pangarap ng bansa.”
Nanawagan si Magalong sa mga kapwa Pilipino na maging mas mapagbantay at magkaisa para ipagtanggol ang kinabukasan ng bansa.
“Malalim ang ugat ng katiwalian, ngunit ganoon din ang tibay at tapang ng diwa ng Pilipino,” pagtatapos niya. “Huwag tayong magsasawa. Huwag tayong susuko. Ang kapangyarihan ng sambayanan ay laging mas malakas kaysa sa kapangyarihan ng iilan.”
Patuloy siyang maglilingkod bilang alkalde ng Baguio, at inaasahang magiging boses pa rin siya sa usapin ng mabuting pamamahala sa bansa.#