Itinalaga ng Department of Trade and Industry (DTI) si Deputy Director General for Policy, Legal and External Relations na si Nathaniel S. Arevalo bilang Acting Director General ng Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL).

Ang pagtatalaga ay ipinatupad sa pamamagitan ng Department Order 25-160, na pinirmahan noong Miyerkules ni DTI Secretary Ma. Cristina A. Roque at agad na nagkabisa. Ang pagbabago sa pamumuno ay sumunod sa pagtanggap ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa pagbibitiw sa puwesto ng dating Director General na si Brigitte M. da Costa-Villaluz noong Setyembre 19, 2025.
Bilang Acting Director General, inatasan si Arevalo na pangunahan ang lahat ng mga tungkulin, gawain, at operasyon ng IPOPHL; maglabas ng mga patakaran at regulasyong kinakailangan para sa mabisang pagpapatupad ng mga layunin at programa ng IPOPHL; at pamahalaan ang iba pang mga gawaing mahalaga sa mandato ng tanggapan.
Matatandaan na si Arevalo ay naging OIC matapos umalis ni DG Rowel Barba at bago pumasok si DG Brigitte Villaluz. Ito ang pangalawang pagkakataon na pinangunahan nya ang IPO pero sa pagkakataong ito ay mas malawak ang kanyang kapangyarihan dahil Acting Director General siya kumpara sa nakalipas na Officer-In-Charge lamang sya ng nasabing ahensya. Bilang Acting Director General maaari syang magdesisyon sa mga kaso na inihain sa IPO.
Tiniyak naman ni Arevalo sa mga stakeholder na ang pagbabago sa pamumuno ay hindi makaaapekto sa serbisyo ng IPOPHL.
“Patuloy naming susuportahan ang ating mga stakeholder sa pagprotekta ng kanilang intellectual property habang itinataguyod ang mga kasalukuyang programa at repormang nagpapaigting sa inobasyon at pagkamalikhain. Ang pagpapalit ng pamumuno ay hindi makakaabala sa ating pag-unlad at ating pangako sa episyente at maaasahang serbisyo publiko,” dagdag ni Arevalo.#