Home Uncategorized National Press Club kinondena ang paninikil sa malayang pamamahayag ng PNVF

National Press Club kinondena ang paninikil sa malayang pamamahayag ng PNVF

0
10

Mariing kinondena ng National Press Club (NPC) ng Pilipinas ang malinaw na pagkilos ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) na supilin ang malayang pamamahayag sa kasalukuyang 2025 FIVB Volleyball Men’s World Championship.

Ayon sa NPC, walang paunang abiso, ang pagpawalang -bisa ng PNVF, sa ilalim ng pamumuno ni G. Ramon “Tats” Suzara ng accreditation ng sports news website na SPIN.ph at pinagbawalan itong mag-ulat mula sa palaro. Iniulat din na binabalaan ang Rappler at iba pang mga media outlet na huwag mag-ulat ng anumang negatibong balita na may kaugnayan sa nasabing international sports event.

Tinukoy ng NPC ang mga hakbangin na ito bilang isang malinaw na pag-atake sa mga pangunahing prinsipyo ng kalayaan ng pamamahayag at transparency. Anila, ang ganitong uri ng ‘censorship’ ay hindi lamang pinagkakaitan ang publiko ng karapatang makakuha ng kumpleto at walang kinikilingang impormasyon, kundi naglalagay din ng mapanganib sa mga susunod para sa panunupil sa larangan ng sports at iba pang sektor.

“Itinuturing ng NPC ito bilang isang hayagang pagtatangkang diktaan ang naratibo sa pamamagitan ng pagpipilit na walang dapat iulat na anumang negatibo tungkol sa kaganapan,” pahayag ng organisasyon. “Ang ganap na pagsugpo sa integridad ng pamamahayag ay hindi katanggap-tanggap. Ang media ay may mahalagang tungkulin bilang bantay, na nagsusuring may pananagutan sa mga organisasyon at tinitiyak na mananaig ang katotohanan,” ayon kay Leonel “Boying” Abasola, Pangulo ng NPC.

Binigyang-diin ng NPC na ang anumang uri ng pagsensura, lalo na sa isang paligsahang nakakuha ng atensyon ng buong mundo, ay sumisira sa kredibilidad ng mga organizer at ikinokompromiso ang integridad ng kompetisyon. Dagdag pa nila, nararapat lamang na ang mga media outlet ay makapag-operate nang malaya at responsable.

Ipinunto rin ng NPC na hindi ito ang unang pagkakataon na umakto si Suzara laban sa media. Matapos ang pagho-host ng Pilipinas ng 2019 Southeast Asian Games, naghain umano siya ng mga kasong libel at cyberlibel laban sa Manila Times at Daily Tribune dahil sa mga ulat na kanyang itinuring na biased. Ayon sa NPC, ang mga paratang na ito ay pinawalang-saysay ng mga hukuman.

Nanawagan ang NPC sa PNVF, sa FIVB (Fédération Internationale de Volleyball), at sa lahat ng kinauukulan na igalang ang mga karapatan ng mga mamamahayag, itaguyod ang transparency, at bigyang-prayoridad ang integridad ng isports. “Nararapat lamang na magkaroon ang mundo ng isang malaya, matapat, at walang-takot na pamamahayag—malaya sa pananakot at pagsensura. Ang anumang bagay na mas mababa pa rito ay sumisira sa mga pangunahing halaga ng sportsmanship, demokrasya, at malayang pagpapahayag,” pagwawakas ng pahayag.

Habang sinusulat ang ulat na ito ay sinusubukan nating makipag-ugnayan kay PNVF President Ramon Suzara upang bigyang linaw ang naging desisyon ng PNVF sa SPIN.ph.#

NO COMMENTS