Naglabas ng masusing babala ang DOST-PAGASA ngayong araw kaugnay sa paparating na Bagyong Opong, na inaasahang lalakas pa at tatama sa kalupaan sa katapusan ng linggo. Maaaring maapektuhan nito ang milyun-milyong mamamayan sa Eastern Visayas, Rehiyon ng Bicol, Timog Luzon, at ang Kalakhang Maynila.

Sa isang press conference sa PAGASA Weather and Flood Forecasting Centre, binalaan ng mga opisyales ang publiko na maghanda para sa malalakas na hangin, matitinding pag-ulan, posibleng malawakang pagbaha, at pagguho ng lupa.

Ayon kay PAGASA Administrator Dr. Nathaniel T. Servando, ikalabing-limang bagyo na ngayong taon si Opong. Batay sa 10:00 ng umagang advisory, ito ay may lakas na 85 km/h malapit sa kanyang sentro at pagbugso ng hangin na aabot sa 105 km/h. Kumikilos ito patungong kanluran-timog kanluran sa bilis na 15 km/h.
“Dapat nating sundin po ito, sundan. Kung hindi magbago ang direksyon, posibleng tatamaan ang Region 4A (Calabarzon), maging Metro Manila ay posibleng direktang maapektuhan,” pag-iingat ni Dr. Servando.
Naglahad naman ng detalyadong forecast si Duty Forecaster Engineer Benison J. Estereja, na nagsabing inaasahang lalakas si Opong at maging isang Severe Tropical Storm sa loob ng 24 oras, at magiging ganap na Bagyo (Typhoon) sa takipsilim ng Huwebes, na may lakas na maaaring umabot sa 120 km/h o higit pa bago tumama sa kalupaan.

Batay sa forecast track, dadaan ang bagyo sa hilagang bahagi ng Samar at Timog Luzon, kabilang ang Bicol Region at Calabarzon, sa Biyernes. Ang pinakamapanganib na oras para sa Metro Manila ay mula Biyernes ng gabi hanggang Sabado ng madaling araw, habang papalapit ang sentro ng bagyo.

Binalaan ni Engineer Estereja na maaaring umiral ang Signal Blg. 3 o kahit Blg. 4 sa Metro Manila, na ang lakas ng hangin ay sapat upang sumira ng mga bahay, magpabagsak ng mga puno, at magpatumba ng mga poste ng kuryente. Inihalintulad niya ang lakas ng hangin sa “isang mabilis na tumatakbong bus sa expressway.”

Kaugnay naman ng pag-ulan, maaaring tumanggap ang Metro Manila at karatig-pook ng higit 200 mm ng ulan mula Biyernes hanggang Sabado, na nagpapataas ng banta ng malawakang pagbaha at pagguho ng lupa, lalo na’t basang-basa na ang lupa mula sa mga nakaraang pag-ulan dahil sa habagat.

Iginiit ni Dr. Servando na nagsimula na ang koordinasyon sa Office of the Civil Defense at iba pang ahensya kahapon pa. “May strong instruction na if possible, as early ay gumawa na ng mga kaukulang hakbang,” aniya, na nag-uudyok sa mga lokal na pamahalaan na aktibuhin na ang kanilang mga plano sa paghahanda.

Nagbigay rin ng update ang PAGASA kaugnay ng mga dam, kung saan may ilan nang nakabukas ang mga gate tulad ng Ambuklao, Binga, at Magat para pamahalaan ang pagdaloy ng tubig. Pinapayuhang masubaybayan ang mga opisyal na ulat mula sa PAGASA, lalo na ng mga nasa mababang lugar at madaling pagguho ng lupa.

Mga Pangunahing Paalala:
- Bagyo: Bagyong Opong, inaasahang lalakas pa.
- Banta: Malalakas at mapaminsalang hangin, matitinding pag-ulan, pagbaha, at pagguho ng lupa.
- Mga Maapektuhang Lugar: Eastern Visayas, Bicol, Calabarzon, Mimaropa, Metro Manila.
- Epekto sa Maynila: Inaasahan mula Biyernes ng gabi hanggang Sabado ng umaga, na may peligro ng Signal Blg. 3 o 4 at malubhang pagbaha.
- Panawagan: Hinihikayat ang publiko na makinig sa mga anunsyo mula sa PAGASA at kanilang lokal na Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) para sa mga utos ng paglikas at mga babala.

Maaaring subaybayan ang mga live na update sa opisyal na Facebook page at YouTube channel ng DOST-PAGASA.#