Inaasahang makakaranas na ng direktang serbisyo ng malinis at ligtas na tubig sa kanilang mga tahanan ang mahigit 788 pamilya sa Baras, Rizal sa pagtatapos ng Setyembre, salamat sa isang pangunahing proyekto ng Manila Water.
Tinatangkilik na ng mga residente sa Barangay San Salvador ang naunang bahagi ng proyekto, at sa darating na buwan ay kumpleto nang maihahatid ang tubig mula sa Calawis Treatment Plant sa Antipolo City patungo sa Baras Mainline Extension. Layunin ng P93.7 milyong Baras Mainline Extension (MLE) Package 2 na paigtingin ang supply at pagkatubig sa munisipyo.
“Malaking tulong ito para sa amin, lalo na sa kalinisan at kalusugan ng aming pamilya. Hindi na kami mahihirapang mag-igib o umasa sa posibleng hindi ligtas na pinagkukunan ng tubig,” pahayag ni Aling Maria, isang residente ng San Salvador.
Nagsimula noong Setyembre 2024 ang konstruksiyon na kinabibilangan ng paglalatag ng 3.23 kilometro at karagdagang 2,066 metro ng High-Density Polyethylene (HDPE) pipeline sa kahabaan ng Lagundi–Balikasaka Road. Ginamit ang ganitong uri ng tubo dahil sa tibay at pagiging lumalaban nito sa kalawang, na nagsisiguro ng pangmatagalang serbisyo.

Upang mabawasan ang abala sa mga mamamayan, nagpatupad ang Manila Water ng mahigpit na mga hakbang sa pamamahala ng trapiko at kaligtasan, kabilang ang mga malinaw na babala at mga safety barrier sa paligid ng lugar ng konstruksiyon.
Ang proyektong ito ang siyang susi upang makamit ng kumpanya ang target nitong 75.98 porsiyentong serbisyo sa Baras pagsapit ng 2027, na naglalayong ilapit ang de-kalidad na tubig sa mas maraming komunidad sa lalawigan ng Rizal.#



