Nagsanib puwersa lokal na pamahalaan sa Eastern Visayas at ng Department of Science and Technology (DOST) Region 8 sa pamamagitan ng isang kasunduan para sa paggamit ng science-based na platform na GeoRiskPH bilang paghakbang tungo sa mas ligtas at mas handang rehiyon.
Ang memorandum of agreement (MOA) ay nilagdaan ng DOST-8, PHIVOLCS, DILG-8, at ng Office of Civil Defense (OCD) Region 8 nitong 2025 Regional Science, Technology and Innovation Week (RSTW) na ginanap noong Setyembre 3-5.
Ayon kay DILG Region 8 Director Arnel M. Agabe, nagsisilbing “life-saving tool” ang GeoRiskPH para sa mga lokal na pamahalaan. Ang plataporma ay magbibigay sa kanila ng tamang datos para sa pagpaplano at paggawa ng mga polisiya, lalo na sa pagharap sa mga sakuna.
Ang GeoRiskPH ay isang sentralisadong platform na naglalaman ng mga kasangkapan tulad ng HazardHunterPH at GeoMapperPH upang masuri ang mga panganib sa isang lugar, suportahan ang pagpaplano ng paggamit ng lupa, at paghahanda para sa mga kalamidad.
Binanggit ni DOST Secretary Renato U. Solidum Jr. ang malagim na karanasan ng rehiyon sa Super Bagyong Yolanda noong 2013 na kumitil ng libu-libong buhay. Giit niya, layunin ng GeoRiskPH na maiwasang maulit ang ganitong trahedya sa pamamagitan ng mas maayos na hazard mapping at communication systems.#