Inanunsyo ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na isang kamangha-manghang Total Lunar Eclipse o ‘Blood Moon’ ang masisilayan sa buong bansa sa darating na Septyembre 8, 2025.

Ayon sa PAG-ASA, ang ganap na paglalaho ng buwan sa anino ng mundo ay magtatagal nang mga 1 oras, 22 minuto, at 54 segundo. Ang kabuuang eklipse ay visible din sa ibang bahagi ng mundo tulad ng East Africa, Asia, at Australia.
Narito ang kumpletong timeline ng pangyayari ayon sa ahensya:
- Simula ng Penumbral Eclipse: 11:27 NG (Septyembre 7)
- Simula ng Partial Eclipse: 12:27 NU (Septyembre 8)
- Simula ng Total Eclipse: 1:30 NU
- Pinakamataas na Eklipse: 2:12 NU
- Wakas ng Total Eclipse: 2:53 NU
- Wakas ng Partial Eclipse: 3:57 NU
- Wakas ng Penumbral Eclipse: 4:57 NU
Sa oras ng ‘maximum eclipse’, ganap na tatakpan ng anino ng mundo (umbra) ang 100% ng buwan. Ito ay tinatawag na “Blood Moon” dahil sa mamumula-mulang ningning na ipinapakita nito. Nagmumula ang kulay na ito sa sunlight na naisasalat at naif-filter ng atmosphere ng daigdig, kung saan tanging ang pulang liwanag lamang ang nakararating sa buwan.
Hindi kailangan ng anumang espesyal na kagamitan upang masilayan ang celestial event na ito. Ligtas itong tingnan ng diretso sa mata at maaaring magpakita ng mas magandang view kung may dalang maliit na binoculars.
Hinikayat ng PAG-ASA ang publiko na samantalahin ang okasyong ito, ngunit paalala ng ahensya, nakadepende pa rin ang visibility nito sa kondisyon ng panahon.#