Nanawagan ang Center for People Empowerment in Governance (CenPEG) para sa isang mas malalim na pagsusuri at mas malakas na mekanismo ng pagsubaybay sa panukalang pambansang badyet para sa 2026 na nagkakahalaga ng ₱6.793 trilyon, na anila’y nagpapatuloy sa mga palpak na prayoridad ng nakaraan at hindi kayang tugunan ang lumalalang krisis panlipunan ng bansa.
Sa isang facebook post ng CenPEG, binigyang-diin ni Prof. Emmanuel “Noel” Leyco, CenPEG Fellow at Trustee, ang malaking paglaan ng pondo para sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na umano’y para sa pag-unlad ng ekonomiya, ngunit puno ng pangamba kung ito ba ay tunay na nakakatugon sa mga pangunahing pangangailangan ng publiko.

“Napakalaki pa rin ng pondo para sa DPWH. Ang sinasabi ay kailangan ito para sa ekonomiya, pero ang totoo, ginugugol sa flood control, roads, and bridges – samantalang kulang na kulang ang badyet para sa school buildings. Napakasama na ng education crisis ngayon, dapat ito ang binibigyan ng mas malalim na pansin,” pahayag ni Prof. Leyco.
Ayon sa CenPEG, ang panukalang ₱928 bilyon para sa DepEd, kung saan ₱25.4 bilyon (2.7%) lamang ang nakalaan para sa pagpapatayo ng mga silid-aralan, ay lubhang hindi sapat dahil sa libu-libong kakulangan sa classroom sa buong bansa. Giit pa ng grupo, bagama’t mas mura at episyente ang pagpapatayo ng mga silid-aralan ng pribadong sektor, nananatiling nakatuon ang badyet sa mga proyektong imprastraktura na may mga katanungan naman ang tunay na benepisyo.
Itinutok din ni Prof. Leyco ang patuloy na paglobo ng pondo para sa mga programang ayuda ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ang patuloy na pagkakaroon ng confidential at intelligence funds, na matagal nang pinupuna dahil sa kawalan ng transparency at pagiging responsable.
Sa usapin naman ng utang ng bansa, dagdag niya, “Tuloy-tuloy ang pagtaas ng utang – projected na aabot sa ₱19 trilyon sa susunod na taon. Ang debt service ay nasa halos 14.4% ng kabuuang badyet. Ito ay malinaw na pagpapatuloy lamang ng mga nakaraang badyet, na walang malinaw na developmental direction.”
Panawagan para sa ‘People’s Audit’
Dahil dito, muling iginiit ng CenPEG ang tinatawag na “People’s Audit,” isang mekanismo na magpapahintulot sa mga independyente at walang kinikilingang entidad na suriin ang implementasyon ng mga proyekto at tiyakin ang pagiging accountable ng mga nasa kapangyarihan.
“Ang good governance ay hindi lamang tungkol sa mga numero. Ito ay tungkol sa kung ang badyet ay tunay na nakakarating sa mga tao. Kaya mahalaga ang People’s Audit,” diin ni Prof. Leyco.
Mga Rekomendasyon
Upang matiyak ang partisipatibo at makabuluhang paggawa ng badyet, inirerekomenda ng CenPEG na kunsultahin ang mga direktang apektado sa prosesong lehislatibo. Halimbawa, sa edukasyon—dapat pakinggan ang mga guro; sa kalusugan—ang mga pasyente at health workers; at sa pabahay—ang mga komunidad na maaapektuhan bago magsagawa ng demolisyon at relokasyon.
Nanawagan ang CenPEG sa mga mambabatas na itugma ang 2026 budget sa tunay na layunin ng pag-unlad sa pamamagitan ng pagbibigay prayoridad sa kapakanan ng mamamayan kaysa sa pagbabayad ng utang, labis na paggasta sa imprastruktura, at mga pondong walang kalinawan.#