Inilahad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang naging bunga ng kanyang bilateral na pagpupulong kay US President Donald Trump sa White House, kabilang ang mga usapin sa taripa, seguridad, at relief assistance sa gitna ng pananalasa ng Bagyong Crising sa bansa.

Taripa at Kalakalan
Sa press conference matapos ang pulong, ibinahagi ni Marcos na bumaba sa 19% ang taripa sa mga produktong inaangkat ng Estados Unidos mula sa Pilipinas, mula sa dating 20%. Bagamat maliit sa paningin ng ilan, iginiit ng Pangulo na malaki ang epekto nito sa aktwal na kalakalan.
Ipinaliwanag rin niya na kabilang sa napagkasunduang “open market” ay ang pagtanggal ng taripa sa mga imported na sasakyan mula sa US, kapalit ng mas malaking importasyon ng produktong agrikultural tulad ng soy, trigo, at mga gamot. Ito umano’y makatutulong upang bumaba ang presyo ng mga gamot sa bansa.
Nang tanungin kung patas ba ito para sa Pilipinas, lalo’t mas mababa ang taripa ng ibang bansa kumpara sa 19%, tugon ng Pangulo: “Ganito talaga ang negosasyon. Ang baseline natin ay 20%, kaya ang bawas na 1% ay resulta ng mga pag-uusap.”
Bagyong Crising: Pinsala at Tugon
Nagbigay rin si Marcos ng update sa epekto ng Bagyong Crising. Ayon sa kanya:
- 487,964 na pamilya ang apektado,
- 49,617 katao ang nasa evacuation centers,
- 2,790 pamilya ang nananatili sa labas ng mga evacuation centers,
- 6 ang nasawi, 5 ang sugatan, at 8 ang nawawala.
Ang pangunahing sanhi ng mga nasawi ay pagkalunod, pagbagsak ng punongkahoy, at malalakas na agos. Tinatayang umabot sa ₱4 bilyon ang pinsala sa imprastruktura at mahigit ₱134 milyon ang lugi sa agrikultura, kung saan ₱113 milyon ay mula lamang sa MIMAROPA.
Nagpahayag rin siya ng kasiyahan sa mabilis na pagresponde ng mga ahensiya, at muling inulit na inaasahang makakabalik agad ang mga operasyon matapos humupa ang baha.
Pasilidad ng Amerika sa Subic at Ugnayang Pandepensa
Kinumpirma rin ng Pangulo ang pag-usad ng planong pagtatayo ng ammunition hub sa Subic na popondohan ng Estados Unidos sa pamamagitan ng foreign direct investment (FDI). Ayon kay Defense Secretary Gilbert Teodoro, aabot sa 200–300 highly technical jobs ang inaasahang malilikha mula rito, na posibleng madagdagan pa sa paglawak ng operasyon.
Itinanggi naman ni Marcos na may bagong kasunduan sa depensa na nilagdaan sa kanilang pag-uusap kay Trump, ngunit binigyang-diin niya na tuloy-tuloy ang pakikipagtulungan ng US sa modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP), kabilang ang Balikatan exercises at Self-Reliant Defense Program (SRDP).
US Assistance sa Bagyong Crising
Tiniyak ni Marcos na tutulong ang Estados Unidos sa relief operations, kabilang na ang airlift capabilities gamit ang mga eroplano tulad ng Osprey at Chinook. Ayon kay Secretary Teodoro, may mga prepositioned relief goods na sa mga EDCA sites gaya ng Fort Magsaysay. Dagdag pa ng Pangulo, mula sa 500,000 food packs ay tumaas na sa 3 milyon ang naka-standby na relief goods ng DSWD.
SONA 2025 at Iba Pang Isyu
Inanunsyo rin ni Marcos na 80% nang tapos ang kanyang State of the Nation Address (SONA) na gaganapin sa Lunes. Tinalakay rin niya ang maling pagkakalagay ng tarpaulin sa gitna ng pagbaha bilang isang “misjudgment,” at sinabi niyang dapat ay tutok muna sa disaster response ang mga tauhan ng gobyerno.
Hinggil sa usapin ng immigration ng mga undocumented Filipinos sa US, sinabi niyang wala itong napag-usapan sa pulong ngunit tiniyak niyang patuloy itong mino-monitor ng pamahalaan.
Sa huli, nang tanungin kung paano niya ipapaliwanag sa publiko ang 19% taripa, sinabi niyang:
“Hindi ito desisyon ng gobyerno ng Pilipinas. Kung may tanong tungkol sa 19%, tanungin ang nagtakda nito.”#