Isang pangunahing proyekto sa pananaliksik ang inilunsad upang tugunan ang banta ng nakakalasong algae (toxic algae) sa Laguna Lake, ang pinakamalaking freshwater lake sa Pilipinas.

Dulot ng polusyon, labis na pangingisda, mga gawain sa aquaculture, at pagbabago ng klima, ang lawa ay dumaranas ng mas madalas at malawakang “harmful algal blooms” (HABs) o “cyanoHABs.” Ang mga bloom na ito ay lumilikha ng mga cyanotoxin, na mga mapanganib na kemikal na naipon sa tubig at sa mga isda. Maaaring magdulot ito ng malubhang panganib sa mga tao na kumakain ng kontaminadong isda, kabilang ang pagkasira ng atay, mga selula, at maging ng DNA.
Ang proyektong pinamagatang “Supporting Cyanotoxin Risk Assessment through Nuclear and Isotopic Techniques for Food Safety and Water Quality Management of Freshwater Lake Systems” ay naglalayong paigtingin ang kakayahan ng bansa na matukoy, masukat, at pamahalaan ang mga cyanoHAB.
Pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD), itinataguyod ng proyekto ang paggamit ng nuclear at isotopic technologies upang mas mabisa namang masubaybayan at masuri ang mga panganib sa kalusugan ng mga toxin na ito.
Sa ngayon, ang Laguna Lake ay isang napakahalagang pinagkukunan ng tubig-tabang at sumusuporta sa isang malaking industriya ng pangingisda. Gayunpaman, dahil sa kakulangan ng wastong sistema ng pagmo-monitor at mahigpit na mga regulasyon sa kaligtasan, nananatiling nanganganib ang publiko na makakain ng kontaminadong isda at maiinom ang maruming tubig.
Layunin ng proyekto na punan ang puwang na ito sa pamamagitan ng pagpapakilala ng mga advanced na pamamaraan sa pagsusuri, paggamit ng mga “aptamer,” at paggawa ng mga kagamitan para masuri ang panganib batay sa dami ng algae, konsentrasyon ng toxin, at kalidad ng tubig. Ang mga aptamer ay mga target-binding nucleic acid molecule na kapaki-pakinabang sa pag-detect ng cyanotoxin.

Sa unang dalawang taon nito, nakamit na ng proyekto ang mga significant accomplishment. Nagawa na ng mga mananaliksik ang isang “risk analysis matrix” na pinagsasama-sama ang datos sa antas ng toxin, uri ng algae, at mga parameter ng kalidad ng tubig. Nakadisenyo na rin sila ng mga test kit na batay sa aptamer na magpapahintulot ng mas mabilis at mas tumpak na pag-detect ng mga cyanotoxin nang real-time. Ang teknolohiyang ito ay nasa yugto pa lamang ng pag-unlad.
Sa huli, ang layunin ng proyekto ay makalikha ng mga batay-agham na polisiya at mga real-time na sistema ng pagmo-monitor upang mas mapabuti ang pamamahala sa mga cyanobacterial bloom, mapangalagaan ang kalusugan ng publiko, at protektahan ang ecosystem ng lawa. Sa pamamagitan ng public education at advanced na pananaliksik, inaasahang mapataas ng proyekto ang kamalayan ng mga tao sa mga panganib ng cyanotoxin, habang sinusuportahan ang pangmatagalang sustainability ng Laguna Lake.#