Uminit ang tensyon sa lokal na pulitika ngayong araw matapos ihain ni Atty. Harold Respicio ang isang Temporary Restraining Order (TRO) laban sa Commission on Elections (COMELEC). Layunin ng TRO na pigilan ang umano’y ilegal na pagpigil ng COMELEC sa kanyang proklamasyon bilang nanalong bise-alkalde ng bayan ng Serena Mercedes, Isabela.
Sa isang matapang na pahayag sa harap ng media, tahasang binatikos ni Respicio ang COMELEC at inakusahan itong “tagapagkalat ng fake news” kaugnay ng mga iregularidad sa isinagawang halalan gamit ang automated election system.
“COMELEC, kayo ang fake news,” ani Respicio. “Ang version 3.5 na ginamit sa mga makina noong araw ng eleksyon ay hindi yun yung na-audit sa source code review. Paano magtitiwala ang taumbayan kung hindi mismo ang inaprubahang software ang ginamit?”
Ayon kay Respicio, may posibilidad umanong naimpluwensyahan o “tinaniman ng daya” ang nasabing bersyon ng software dahil ito’y hindi dumaan sa masusing audit. Giit niya, dapat i-open source ng COMELEC ang version 3.5 upang masiyasat ito ng mga independent experts.
Isyu sa Transmission ng Resulta at Kawalan ng Transparency
Isa rin sa mga pangunahing isyung binigyang-diin ni Respicio ay ang umano’y iregular na transmission ng election results. Ayon sa kanya, hindi dumiretso ang data mula sa mga vote-counting machines (VCMs) patungo sa transparency server, taliwas sa nakasaad sa batas.
“Pinadaan muna nila sa isang intermediary server o tinatawag na datacenter 3. Posibleng na-manipulate ang datos bago ito nakarating sa transparency server,” giit niya.
Dagdag pa niya, mismong si COMELEC Chairman George Garcia ang umamin na ang mga datos ay kinokolekta at pinoproseso muna kada 15 minuto bago ipadala sa transparency server. Aniya, malinaw na ito ay paglabag sa prinsipyo ng election transparency.
Bintang ng “Fake News,” Binalikan ni Respicio
Mariin ding pinabulaanan ni Respicio ang paratang ng COMELEC na siya’y nagpapakalat ng maling impormasyon. Ayon sa kanya, ang kanyang pahayag tungkol sa pagbabawal sa pag-connect ng VCMs sa internet ay sinunod naman ng mismong COMELEC.
“Sinunod ninyo. Paano naging fake news ‘yon?” tanong niya. “Hindi pwedeng magsalita kayo ng magkabila—sinunod ninyo pero inaakusahan ninyo akong nagsisinungaling.”
Panawagan para sa Pagkakaisa at Pagwawasto
Bagamat nanalo sa halalan, nilinaw ni Respicio na hindi ito laban para sa kanyang sarili kundi para sa kapakanan ng buong eleksyon. Aniya, ang kanyang layunin ay itaas ang integridad at tiwala ng publiko sa sistemang pampulitika.
“Wala akong intensyon na guluhin ang eleksyon. Gusto ko lang tiyakin na may integridad ang resulta. Hindi dapat inuusig ang sinumang gustong itama ang mga pagkakamali sa ating pamahalaan,” wika ni Respicio.
Sa huli, nanawagan siya ng pagkakasundo sa pagitan ng magkakalabang panig at pagbibigay daan sa reporma.
“Tapos na ang eleksyon. Hindi na kailangang palalain pa ang hidwaan. Kung nasaktan kayo sa aking mga salita, tanggapin natin. Ang mahalaga ay maayos nating maitama ang mga mali, alang-alang sa bayan.”#