Pinaigting ng Manila Water ang kanilang relief at clearing operations bilang tugon sa walang humpay na pag-ulan dulot ng habagat na lalong pinalala ng sunod-sunod na bagyong sina Crising, Dante, at Emong.
Ayon sa ulat nitong Hulyo 25, patuloy ang pagtulong ng Manila Water, sa pamamagitan ng Manila Water Foundation at mga East Zone Service Areas, sa 173 kumpirmadong evacuation centers na tumutulong sa 10,406 pamilya o 39,253 indibidwal. Bumaba na ang bilang ng mga evacuees kumpara sa mga naunang araw habang nagsisibalikan na sa kanilang mga tahanan ang maraming pamilya.

Sa Quezon City, namahagi ang MWF ng karagdagang 320 yunit ng 5-galon na inuming tubig sa mga barangay ng Culiat, Quirino 2-A, Vasra, East Kamias, at Pasong Tamo. May naka-iskedyul ding karagdagang delivery sa mga barangay ng Damayan Lagi, Roxas, at Sauyo. Samantala, sa lungsod ng Maynila, 300 yunit ng 5-galon na tubig ang ipapadala sa Manila City Hall.
Sa Rodriguez, Rizal, naghatid ng 275 yunit ng 5-galon na tubig sa evacuation center sa Barangay San Jose. Inabot din ng tulong ang mga lungsod at bayan ng Pasig, Cainta, Taytay, Binangonan, at Morong. Sa Baras, Rizal, bukod sa tubig na maiinom, namahagi rin ang Manila Water ng 200 vials ng Erceflora probiotics upang matiyak ang kalusugan ng tiyan ng mga evacuees.
Sa Taguig City, nakipagtulungan ang MWF at Manila Water Taguig Service Area upang maihatid ang 400 yunit ng bottled water sa Taguig City Health Office, para sa patuloy na access sa ligtas na inuming tubig ng mga residenteng lumikas.
Patuloy ang pangako ng Manila Water sa pagtulong sa mga komunidad sa panahon ng sakuna, at nakikipag-ugnayan ito sa mga lokal na pamahalaan para sa maagap at epektibong distribusyon ng tulong. Magpapatuloy ang mga operasyon sa mga susunod na araw, kabilang na ang post-evacuation cleaning at sanitation efforts.
Sa kabuuan, nakapamahagi na ang Manila Water ng 3,875 yunit ng 5-galon na inuming tubig sa mga lugar na naapektuhan ng bagyo sa East Zone ng Metro Manila at Lalawigan ng Rizal.
Bilang bahagi ng kanilang disaster response, nagsagawa rin ang Manila Water ng flushing operations gamit ang reused water sa mga pampublikong pasilidad na naapektuhan ng Tropical Storm Dante at habagat. Kabilang sa mga lugar na isinailalim sa operasyon ang San Jose High School sa Rodriguez, Rizal; Malanday Covered Court sa Patiis, San Mateo; at Parang Elementary School sa Marikina.
Nakipagtulungan din ang Manila Water sa mga lokal na pamahalaan sa deployment ng mga water tanker na may dalang “Class C” o treated wastewater para sa road clearing at paglilinis ng mga pampublikong lugar. Ang inisyatibong ito ay bahagi ng pangako ng kumpanya sa environmental stewardship sa pamamagitan ng responsable at muling paggamit ng yamang-tubig.#