
Inihayag ngayong Miyerkules (Mayo 21) ni Dr. Carlo Magno Batalla, Nagtatag at Pangulo ng Crimes and Corruption Watch International, Inc. (CCWI), na kanila nang isinampa ang mga kasong graft at korapsyon laban sa ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Region 6 (Western Visayas).

Sa isang press conference sa Max’s Restaurant sa Quezon Memorial Circle, sinabi ni Dr. Batalla na ang mga opisyal ng DPWH Region 6 ay kinasuhan sa Office of the Ombudsman kaugnay ng umano’y dayaan sa mga bidding at paboritismong pagbibigay ng kontrata na umaabot sa halagang P2.4 bilyon.
Ayon kay Dr. Batalla, “Panahon na para kasuhan ang mga tiwaling opisyal ng gobyerno, lalo na ang mga opisyal ng DPWH.”
Ipinunto niya na noong 2024, may kabuuang halagang P9,258,597,000 ang ipinagkaloob ng DPWH Region 6 para sa mga proyekto, at P2.4 bilyon dito ay napunta sa IBC Builders, sa kabila ng umano’y pagkaantala ng mga proyekto nito.
Aniya, batay sa batas, kapag ang isang kontratista ay may dalawang proyekto na delayed ng 10% o higit pa, hindi na ito dapat bigyan muli ng kontrata. Ngunit binigyang-diin ni Dr. Batalla na patuloy pa ring pinagkalooban ng proyekto ang IBC Builders sa kabila ng hindi magandang performance.
Binanggit din niya na may website ang DPWH kung saan makikita ang status ng mga proyekto, subalit kailangang magsumite pa rin ng written request alinsunod sa Freedom of Information (FOI) law.
“Sanay na kami sa pagbabantay ng sistema sa pamahalaan. Kumpiyansa kami na matibay ang aming kaso laban sa mga kinasuhan,” ayon pa kay Dr. Batalla. Dagdag pa niya, kailangang sumunod ang mga kontratista sa mga nakasaad sa kanilang kontrata.
Bilang dating miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng Camarines Sur, ibinahagi rin ni Dr. Batalla na dati na silang nagsampa ng mga kaso ng plunder ngunit walang nangyari. Inihalimbawa niya ang kasong isinampa niya laban kay Gov. LRay Villafuerte kaugnay ng P20 milyong halaga ng gasolina para sa 500,000 litro, habang ang nanalong gasolinahan ay may kapasidad lamang na 60,000 litro. Bagama’t ibinasura ng Sandiganbayan ang kasong kriminal, napatunayang administratibong nagkasala si Villafuerte.
Aniya, mas madaling makakuha ng conviction sa kasong graft kumpara sa plunder na nangangailangan ng ebidensiyang lampas sa makatwirang pag-aalinlangan.
Ibinahagi rin ni Dr. Batalla ang tagumpay ng CCWI laban sa BSP kaugnay ng pagpapatigil sa printing ng National ID na umano’y madaling mabura ang larawan at walang pirma, kaya’t hindi tinatanggap ng mga bangko. Nagsampa sila ng kaso sa Quezon City RTC na kasalukuyang may pending na motion for reconsideration.
Sinabi rin niya na humiling sila sa gobyerno na pawalang-bisa ang National ID dahil sa substandard na kalidad ng pagkaka-imprenta at pagkaantala sa paghahatid — 28 milyon lamang sa 48 milyong ID ang naideliver — na tinawag niyang “blessing in disguise.”

Kasama sa reklamo ng CCWI laban sa DPWH Region 6 ang panawagan ng anim na buwang preventive suspension na walang bayad sa mga inaakusahang opisyal.
Si Dr. Batalla rin ang namumuno sa Dr. Carlo Batalla Cares na may 2 milyong tagasubaybay sa social media at nakapagpamigay na ng 150,000 wheelchair sa buong bansa.
Pinangalanan ni Millicent V. Ang Espina, Deputy Executive Director ng CCWI, ang mga akusado na sina Sonny Boy Orofel at Helen Tan (hindi ang gobernador ng Quezon), at iba pa.
Ayon naman kay Margaretta B. Fernandez, Executive Director ng CCWI, bukod sa DPWH ay binabantayan din nila ang DSWD at iba pang ahensya ng gobyerno.
Sa kaso naman ng National ID, sinabi ni Atty. Al Vitangcol na nagsampa ang CCWI ng petisyon sa Quezon City RTC para ipatigil ang kontrata sa pagitan ng BSP at All Card. Naglabas ang korte ng Temporary Restraining Order (TRO) na nagsasabing walang karapatan ang BSP na kanselahin ang kontrata o maningil ng liquidated damages.
Ayon pa kay Dr. Batalla, ang pagpasa ng responsibilidad sa printing ng National ID mula sa PSA patungo sa BSP ang naging dahilan para magsampa sila ng kaso.
Ipinahayag din ni Atty. Eugene M. Alfaras na, “Kapag gumawa ka ng labag sa batas, pananagutan mo ito — administratibo man o kriminal.” Dagdag pa niya, “Maganda at may grupo na ngayon tulad ng CCWI na tumututok sa pagsugpo sa mga ganitong gawain.”#